Advertisers
HINDI puede na maging state witness ang lahat ng sangkot sa flood control scandal, babala ni Ombudsman Boying Remulla. Kung puede at kung mangyayari, wala ng makukulong sa salang pandarambong sa kaban ng bayan, aniya.
Siniguro ni Remulla na may makukulong na mga matatabang isda sangkot sa pagnanakaw sa salapi ng bayan na umabot sa ilang bilyong piso. Inamin ni Remulla na ilang mambabatas na sangkot sa anomalya ang mahaharap ng sakdal na plunder ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan, ang hukuman ng mga isyung katiwalian.
Ginawa ni Remulla ang pahayag habang kinilala ng Department of Justice (DoJ) sina Jinggoy Estrada, Bong Revilla, at Zaldy Co bilang mga mambabatas na ipinagharap ng sakdal na plunder, o pandarambong sa Office of the Ombudsman. Kapag itinuloy ng Ombudsman ang sakdal sa Sandiganbayan, hindi malayong diretso sa kulungan ang tatlo bagaman kasalukuyang hinahanap upang dakpin si Co na nabalitang nasa ibang bansa.
Kinilala rin ng DoJ ang apat na state witness: dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo, dating opisyales ng DPWH na sina Henry Alcantara at Gerald Opulencia, at Sally Santos, isang kontratista. Hindi sila state witness na mga proyekto na naging ghost project, o iyong may kontrata na may kinolektang bayad ngunit walang proyekto. Hindi kailangan ang state witness.
Bagaman maraming mamamayan ang nakaramdam ng kabiguan dahil hindi nakulong ang ilang sangkot sa eskandalo bago ang Pasko na ipinangako ni BBM at Remulla, lumalabas ngayon na tuloy tuloy ang proseso. Nabalam lang ng bahagya ang proseso kahit malinaw ang direksyon sa mga nakakakita.
Maraming mamamayan na umaasa na sasabit sina Tricky Tsis Escudero at Joel Villanueva at dalawang pang dating senador – Nancy Binay at Grace Poe sa eskandalo kahit may pahiwatig na
Hindi agad-agad ipakulong sila.
Kinilala si Tricky Tsis ng ilang saksi tulad ni Bernardo na tumanggap na mahigit P150 milyon bilang kanyang bahagi sa iskandalosong flood control project. Hindi nagsasalita si Tricky Tsis upang hindi masyadong mapansin ang kanyang kinasasangkutan.
Si Tricky Tsis ang hepe ng Senado sa pumigil sa impeachment trial ni Misfit Sara. Hindi kumilos ang Senado sa ilang mahahalagang isyu noong siya ang pinuno ng Senado. Wala na sa poder si Tricky Tsis. Sangkot rin siya sa ilang fund insertion sa pambansang budget ng 2025.
***
HUWAG maniniwala sa mga haka-haka na muling isasampa ang impeachment complaint laban kay Misfit Sara sa sandaling ihain rin ang impeachment complaint laban kay BBM. Ikinakalat ng ilang mambabatas na kahanay ni Misfit Sara na ito ang kondisyon ng mga mambabatas kung may ihahain na bagong impeachment complaint laban kay Misfit Sara.
Hindi ito totoo. Walang ganyang kondisyon. Gawa-gawa lang ito ng ilang malilikot ang utak na mambabatas tulad ni Egay Erice. Mukhang nasobrahan si Egay Erice ng kanyang iniinom na kape kaya lumiko ang takbo ng utak.
Walang bilang ang grupo na nagtatangka ng impeachment complaint laban kay BBM. Alam ito ng Grupong Dabaw. Hindi sila makabuo ng hustong bilang upang isulong ang impeachment complaint laban kay BBM. Alam ito ni Polong, Omar, at Rigo Duterte.
Samantala, may hustong bilang ang mga mambabatas na nais isulong ang impeachment laban kay Misfit Sara. Napatunayan ito noong nakaraang taon. Sa sandaling isampa ang impeachment complaint sa pagtatapos ng one-year constitutional ban sa panibagong impeachment complaint sa ika-6 ng Pebrero, may isusumiteng bagong reklamo na kailangan aksyunan ng Camara de Representantes.
Mauulit ang pagsasampa ng panibagong Articles of Impeachment sa Senado. Kailangan lang desisyunan ng mga civil society organization kung isasama ang sinumpaang salaysay ni Ramil Madriaga sa bagong impeachment complaint.
Wala kaming nakikitang hadlang upang tuluyang alisin sa poder si Misfit Sara. Wala ng Tricky Tsis na may ibang diksiyonaryo sa kanyang interpretasyon kung kailan ng paglilitis. Hindi na siya makakaporma.
Kapag tuluyang nawala si Misfit Sara bilang pangalawang pangulo, hindi na siya makakatakbo sa halalang panguluhan sa 2028. Tuluyan hindi na siya makakasali sa prosesong pulitikal ng bansa si Misfit Sara. Masahol pa siya sa ibon na pinutulan ng bagwis. Hindi na nakakalipad kahit kailan. Balewala na siya.