Advertisers
TILA naging tuso at segurista si Senadora Loren Legarda sa naganap na pagpapalit ng liderato ng Senado.
Batay sa impormasyong aking nakalap, Linggo pa lamang—Pebrero 1, mayroon nang sapat na bilang ang isang grupo ng mga senador upang bumuo ng bagong mayorya at patalsikin sa puwesto si Senate President Vicente “Tito” Sotto III.
Subalit nagbago ang ihip ng hangin nang mabalitang si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang itinutulak ng bagong mayorya bilang kapalit ni Sotto. Dito na umano umeksena si Legarda at iginiit na siya ang dapat maupo bilang Senate President.
Hindi naman ito sinang-ayunan ng mga kaalyado ni Cayetano sa minorya, dahilan upang pansamantalang maantala ang planong pagpapalit ng liderato sa Senado.
Kapansin-pansin din ang biglaang pananahimik ni Legarda noong Pebrero 4 sa sesyon ng Senado. Ngunit matapos masuspinde ang sesyon, napag-alaman na may binubuo na pala siyang bagong estratehiya—ang tinatawag na term-sharing arrangement sa pagitan niya at ni Sotto.
Ayon sa aming impormasyon, handa umanong “mamangka sa dalawang ilog” si Legarda, basta’t masiguro lamang na siya ang mauupo bilang pinuno ng Senado.
Hindi maiiwasang pumasok sa usapan ang isyu ng conflict of interest. Sa sandaling maging Senate President si Legarda, tiyak na magiging maingat—kung hindi man mailang—ang ilang mambabatas na magsagawa ng imbestigasyon kaugnay sa dating kumpanyang Solar Philippines, na may kaugnayan sa kanyang anak na si Batangas Rep. Leandro Leviste. Maging ang prangkisa ng nasabing kumpanya maaaring maproteksyunan.
Huwag din nating kalimutan na may mga mambabatas nang umamin na personal silang tinawagan at kinausap ni Legarda kaugnay ng prangkisa ng dating kumpanya ng kanyang anak.
Sa ngayon, may nakaambang imbestigasyon sa Mababang Kapulungan ng Kongreso laban sa naturang kumpanya, isang usaping tiyak na makakaladkad hindi lamang ang pangalan ng kanyang anak kundi pati ang kanya. Hindi maikakaila na sa ganitong sitwasyon, malaking kalasag ang pagiging lider ng Senado.
Nguni’t hindi seniority ang dapat maging sukatan sa pagpili ng Senate President. Ang higit na mahalaga ang kakayahang panatilihin ang kalayaan at independensiya ng Senado, isang lider na walang bagahe, walang bahid ng duda sa integridad, at hindi isinasakripisyo ang institusyon para sa pansariling interes.
Panahon na upang magising ang tunay na mayorya, ang mga nagmamahal sa bayan at sa bawat mamamayang Pilipino, at huwag payagang maupo sa liderato ang sinumang may seryosong katanungan sa kanyang pagkatao at integridad.
Hindi dapat maging pamantayan ang kapit-tuko sa mayorya para lamang makakuha ng magagandang komite at matiyak ang personal na proteksyon, kahit pa ang kapalit nito ang pagtatraydor sa kaibigan alang-alang sa sariling interes.