Advertisers
MAINIT na naman ang isyu sa online sabong, matapos itong talakayin sa Senado nitong Mierkoles, Pebrero 11.
Sinabon ni Senador Raffy Tulfo ang mga taga-Anti-Cybercrime Group ng Philippine National Police (PNP), Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI), at ang Department of Information and Communications technology (DICT).
Say ni Raffy, ubod ng inutil ang operatives ng mga naturang dibisyon. Wala raw nagawa ang mga ito para sugpuin ang online sabong na pinatatakbo ng kilalang gambling lord sa Central Luzon, ang Pineda at Bernos.
Simula kasi nang maglabas ng Executive Order (EO) laban sa online sabong si Pangulong “Bongbong” Marcos Jr. noong 2022 hanggang ngayon ay lantaran parin ang operasyon ng sindikato ng online sabong.
Binanggit ni Tulfo ang pangalang “Bong” Pineda at Bernos na silang nasa likod ng online sabong mula pa noong termino ni ex-President Rody Duterte hanggang ngayon sa administrasyong Marcos.
Ang sinasabing Bong Pineda ay ito rin iyong pinakasikat na jueteng lord sa Luzon na ilang dekada na ngayong namamayagpag at ubod na ng yaman, kopo na nila ang buong Pampanga. Mismo!
Nang maupo si PBBM noong 2022, naglabas siya ng EO No. 09, nagbabawal sa lahat ng online gambling partikular online sabong. Dito natigil ang Pitmaster online sabong ni Atong Ang at iba pang operators, maliban kina Pineda at Bernos na ‘di manlang nahinto kahit kailan. Kahit Linggo ay may tayaan. Gcash to Gcash ang operasyon. Lantaran pa silang nanghihikayat ng mga mananaya sa Facebook.
Sa muling pagkalkal ni Sen. Raffy sa nakakabaliw o nakaka-adik na online sabong, inatasan ni PNP Chief, General Jose Melencio Nartatez, Jr. ang mga police commander sa lahat ng bayan na tumulong sa Anti-Cybercrime Group sa kanilang kampanya laban sa e-sabong.
Pinasusuyod ni Nartatez sa naturang mga opisyal ang pinanggagalingan ng mga live feed ng e-sabong sa kani-kanilang nasasakupan.
Kasama sa hakbang na ito ng PNP ang pagtukoy sa mga nasa likod ng livestreams, operators na gumagamit ng network gaya ng VPN at offshore hosting.
Well…, tips ko sa mga taga-cybercrime: bantayan ninyo ang mga sabungan na machine ang gamit, na 24/7 ang operasyon, na kunwari ay nagpapa-derby, nagpapa-2 hits ulutan, at hackfight ng walang katapusan, na bagama’t iba iba ang organizers ay ito’y style lamang. Mismo!
Halimbawa lamang dyan sa Sta. Monica Cockpit sa Novaliches, Quezon City; Coliseo de Manila sa Vitas, Tondo, walang tigil ang sabong dito, 24/7. Sa machine ang tayaan, pero iba ang pakiramdam natin dito, mga pare’t mare. Malakas ang kutob natin na ginagamit ito sa online sabong, sa ibang bansa nga lang ang tayaan, OFWs ang kostumer.
Ito ang rason kung bakit mga baon sa utang ang OFWs partikular seafarers.
Ang online sabong nina Pineda at Bernas, sigurado tayo pasok ito sa “bagman” ng mga awtoridad. Peksman!