Advertisers
NAGPAPATULOY ang isinasagawang search and rescue operation ng Philippine Coast Guard sa himpapawid at karagatan para mahanap ang apat na mangingisdang nawawala simula pa nuong araw ng Lunes February 9, 2026 matapos silang huling makita malapit sa Ambil at Lubang Islands sa Occidental Mindoro.
Kinilala ang mga nawawalang mangingisda mula sa bayan ng Lian, Batangas na sina 1. Rolando Ularte, 62 anyos, 2. Rodolfo Ularte, 59 anyos, 3. Geoffrey Buenaventura, 30 anyos at si 4. Mark Julian Dones, 30 anyos, pawang mga residente ng Brgy. Luyahan, Lian, Batangas, lulan ng Motorbanca nA MJ2 na kulay berde at pula na may SSEN Number na STL-BAT-030525015602.
Ayon sa Coast Guard District Southern Tagalog (CGDST) February 8, 2026 o araw ng Linggo bandang 4:00 ng hapon ng umalis sa Lian, ang mga nasabing grupo ng mangingisda at inaasahang makakabalik sana bandang 7:00 ng umaga ng kinabukasan at bandang 3:00 ng hapon nuon lunes ay nakatanggap ng distress report ang Coast Guard Sub Station ng Lian, hinggil sa mga mangingisdang hindi nakabalik ng kani-kanilang tahanan kaya’t agad nagsagawa ng coastal patrol ang Coast Guard ng Lian, Nasugbu at Lubang. Tumulong na din sa paghahanap ang 44-meter multi role response vessel na BRP Cabra o (MRRV 4409) at nagpalabas na rin ng radio broadcast ang PCG sa lahat ng fishing boats at commercial vessels na dumaraan sa paligid ng Lubang Island upang agad ireport ang anumang impormasyon tungkol sa Motorbanca na MJ2.
Hinihikayat din ang publiko lalo na ang mga mangingisda sa nasabing lugar na maging mapagmatyag at agad makipag ugnayan sa pinakamalapit na Coast Guard Station o sa opisyal hotline ng Coast Guard District Southern Tagalog na 09977854915 at 09569046652 para sa anumang kaugnay at impormasyon sa mga nawawalang mangingisda.(Koi Laura)