Advertisers

Advertisers

TRAVEL TAX, BUBURAHIN NG KAMARA!

0 65

Advertisers

Inaprubahan ng House Committee on Tourism ang panukalang batas na naglalayong tuluyang buwagin ang matagal nang umiiral na travel tax, isang malaking hakbang patungo sa pag-alis ng buwis na ayon sa mga mambabatas laos na at pabigat na sa mga Pilipinong biyahero.

Pinangunahan ni Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona ang pag-apruba sa anim na panukala para sa abolisyon ng travel tax, kabilang ang House Bill No. 7443 na inihain ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, Jr.



Gayunman, malinaw na itinakda ng komite na nakasalalay ang pag-apruba sa pagkakaroon ng malinaw at sustenableng alternatibong mekanismo ng pagpopondo upang maprotektahan ang mga programang kasalukuyang pinopondohan mula sa travel tax collections.

Inatasan ni Madrona ang Committee Secretariat na ihanda ang committee report at agad itong isumite sa House Committee on Ways and Means at House Committee on Appropriations para sa karagdagang aksyon.



Tinalakay rin ng komite ang 12 panukalang nagbibigay ng travel tax exemption sa ilang sektor, pati ang privilege speech ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na nanawagan na alisin ang buwis para sa mga umaalis na Pilipino.

Ayon kay Madrona, hindi na kakailanganin ang mga exemption bill kung tuluyang mabubura ang travel tax at isasama na lamang ang mga ito sa pinagsamang panukala.



Samantala, tiniyak ni Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela “Mika” Suansing, chair ng Appropriations panel, sa mga stakeholder na pag-iigihin ang mga probisyon sa pagpopondo habang umuusad ang panukala.

Kasalukuyang nakikinabang sa travel tax ang Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority  (TIEZA), Commission on Higher Education (CHED), at National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Ayon kay TIEZA Chief Operating Officer Mark Lapid, tinatayang 96 porsyento ng nagbabayad ng travel tax ang economy class passengers. Kung ie-exempt sila, halos mawawala na ang koleksyon. Dagdag pa niya, 90 porsyento ng operating budget ng TIEZA mula sa travel tax, at maaaring maapektuhan ang humigit-kumulang 300 sa kanilang 1,025 empleyado kung mawawala ito nang walang kapalit na pondo.

Sinabi naman ni CHED Chair Shirley Agrupis na hindi sila tutol sa abolisyon nguni’t binigyang-diin ang kahalagahan ng Higher Education Development Fund (HEDF), kung saan 85.6 porsyento ng pondo mula sa travel tax.

Aniya, kung walang kapalit na kita, direktang maaapektuhan ang mga scholarship, pananaliksik, at pagpapahusay ng mga institusyon.

Ang NCCA, na tumatanggap ng 10 porsyento ng koleksyon na umaabot sa P600 milyon hanggang P700 milyon kada taon, at nagpahayag din ng kondisyunal na suporta basta’t masisiguro ang tuloy-tuloy na pondo para sa mga grant, konserbasyon ng pamanang kultura, at mga institusyong pangkultura sa buong bansa.

Sa paghahain ng HB No. 7443, itinulak ni Marcos ang agarang pagbasura sa travel tax na ipinataw sa ilalim ng Presidential Decree No. 1183 at mga kaugnay na probisyon ng Tourism Act of 2009. Aniya, nalikha ang travel tax sa ibang konteksto ng ekonomiya at ngayon dagdag gastos na lamang na nagpapahirap sa mga ordinaryong Pilipino.

Sa ilalim ng panukala, aalisin ang kasalukuyang singil na umaabot sa P2,700 para sa first-class passengers at P1,620 para sa economy travelers.

Ayon kay Marcos, malaki ang naidadagdag nito sa gastusin ng mga pamilya at maaaring mailaan na lamang sana sa mas mahahalagang pangangailangan o sa lokal na ekonomiya.

Binigyang-diin din ni Marcos na maraming bansa sa ASEAN ang nag-alis na ng kahalintulad na buwis, kaya’t hindi dapat maiwan ang Pilipinas.

Nakatakda ring ilipat sa General Appropriations Act ang pagpopondo sa TIEZA, CHED, at NCCA sa oras na tuluyang maalis ang travel tax. Kabilang na rin ang panukalang ito sa mga prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Nauna nang sinabi ni Marikina Rep. Miro Quimbo, chair ng Ways and Means panel, na maaaring makalikha ng hanggang P22 bilyon na karagdagang taunang kita ang gobyerno kapag tuluyang naalis ang travel tax.

Ayon naman kay Madrona, umaabot sa humigit-kumulang P8 bilyon kada taon ang koleksyon mula sa travel tax nguni’t bumagsak ito sa zero noong panahon ng pandemya.

Sinabi ni Madrona na, pabagu-bago ang daloy ng kita kaya’t mas mainam na maglatag ng bagong sistema ng pagpopondo kaysa patuloy na umasa sa travel tax.