Advertisers
BAGO ang lahat, nagpapasalamat tayo sa lahat ng dumalo at nakisaya sa kasal ng aking anak na si Pauline Rose nitong Linggo na masasabi nating isang ‘most memorable event’ sa aming pamilya at sa pamilya Viernes ng Plaridel, Bulacan. Nawa’y patuloy na gabayan ng ating Panginoon ang inyong pagsasama. Muli, salamat sa mga dumalo!
***
Kung paniniwalaan ang mga katsang at pabida sa ‘social media’ ni US President Donald Trump, wasak na ang kakayahang militar ng Islamic Republic of Iran at dapat nang sumunod sa kanyang utos na ‘unconditional surrender.’
Muling patraydor na inatake ng ‘Tadong Unidos at Zionistang Israel ang Iran nitong Pebrero 28, kung saan sinadyang patayin sa pamamagitan ng ‘air strikes’ si Ayatollah Ali Khamenie, ang ‘Supreme Leader’ ng Iran, sampu ng kanyang pamilya, may 40 pang matataas na lider ng Iran at may 165 na mga paslit na ang ‘elmentary school’ ay kasama sa binomba ng mga Kano noong Pebrero 28.
Ito ay sa paniwala ni Trump at Israel Prime Minister Benjamin ‘The Devil’ Netanyahu na sa ganitong paraan– ‘mass murder’– mauulit nila sa Iran ang ginawa nilang ‘regime collapse’ sa Iraq, Libya at Syria.
Pero teka. Sa halip na sumuko, pumasok na ngayon sa ika-3 linggo ang nilikhang gera ng Kano at Israel sa Middle East kung saan nadamay hindi lang ang mga ‘Gulf States’ at bagkus, ang buong mundo dahil epektibong isinara ng Iran ang ‘Strait of Hormuz,; ang daanan ng mga ‘oil tankers’ na nagdadala ng krudo sa Asya, kasana ang Pilipinas, Europa at iba pang panig ng mundo.
Kung hindi “deliryo” si Trump nang ipagyabang na 100 percent” nang nagiba ang ‘military capabilities’ ng Iran, bakit nagpapasaklolo siya sa China at iba pang bansa upang muling mabuksan ang Strait of Hornuz?
At bakit 24-oras din ang patuloy na atake ng Iran sa Israel at mga papet na rehimen ng Kano sa Middle East (Saudi Arabia, Oman, Qatar, Kuwait, Dubai, UAE, etc.)?
Niloloko na lang ni Trump ang kanyang sarili dahil malayo sa reyalidad ang kanyang mga sinasabi.