Advertisers
P8.08 BILLION ang nakaraang inilaan ni Pangulong BongBong Marcos (PBBM) para sa 800 barangay na nalinis na sa pamamemeste ng Communists Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratice Front (CPP-NPA-NDF).
Ang sabi ni PBBM, ito raw ay para maipakita sa mga mamamayan ng mga komunidad na ito, na ang pamahalaan ay tunay na nagmamamalasakit sa mga Filipinong nasa lalaylayan ang mga kalagayan.
Ang 800 barangay na mga ito ay nasa mga kanayunan, kalimitang nakaligtaan ng mga naunang pamunuan, kaya nakubakob ng CPP-NPA-NDF. At nang mapagtanto ito bg Marcos Administration, binigyan daan ni PBBM ang tinatawag na ‘game changer’ na pamamaraan upang kahit papaano ay gumaan naman ang pamumuhay ng mga naninirahan sa ating mga kanayunan.
Paliwanag pa ni PBBM, ang pondo ay para sa mga kailangan ng mga barangay sa kanayunan upang maihango sila sa kahirapan.
Ang sabi sa akin ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Executive Director Ernesto Torres Jr., irerelease ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo sa ilalim ng Local Government Support Fund – Support to the Barangay Development Program (LGSF-SBDP).
“Hindi ito simpleng pondo. Ito ay konkretong sagot ng pamahalaan sa mga komunidad na matagal na napabayaan at pinagsamantalahan ng karahasan at panlilinlang,” paliwanag sa akin ni Torres.
Mabuti naman at nagawa ni PBBM na tugunan ang kalagayan ng ating mga kababayan sa mga kanayunan. Siguradong mararamdaman na nila ang tunay na paglilingkod ng pamahalaan na pinamumunuan ng totoong lider na may pakiramdam.
Ang P8.08-billion pondo ay magagamit ng mgan barangay na ito sa pagpapagawa ng farm-to-market roads, school buildings, water systems, health stations, at electrification. At kapag naisakatuparan, hindi ba’t gagaan ang kanilang mga buhay.
Kung ganyan nang ganyan ang direksiyon ng Administrasyon ni PBBM, tingin niyo ba may susuporta pa sa CPP-NPA-NDF?
“Sa ilalim ng pamumuno ng Pangulo, ang mga dating lugar ng kaguluhan ay ginagawang sentro ng pag-unlad. Kalsada ang itinatayo, hindi barikada. Paaralan ang binubuksan, hindi propaganda,” ang sabi pa ni Torres sa kin.