Advertisers

Advertisers

‘Wanted’ posters ni Bato ikinalat sa Quezon City

0 2

Advertisers

ILANG wanted posters ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang ipinaskil ng isang grupo sa kahabaan ng Kalayaan Avenue, Quezon City nitong Lunes, Mayo 18.
Kasunod ito ng mga pangyayari sa Senado nitong nakaraang linggo, kungsaan nagpakita si Dela Rosa matapos ang anim na buwang pagtatago upang bumoto sa pagpapalit ng liderato na nagluklok kay Senador Alan Peter Cayetano bilang bagong Senate President.
Isinailalim si Bato sa protective custody ng Senado matapos i-unseal ng International Criminal Court (ICC) ang warrant of arrest laban sa kanya.
Gayunman, umalis si Dela Rosa Huwebes ng madaling araw, Mayo 14, kasunod ng insidente ng putukan sa gusali.
Binatikos ng Akbayan Youth ang patuloy na pagtatangka ng senador na umiwas sa hustisya, kasabay ng pagdidiin sa patuloy na paghihintay ng hustisya ng mga biktima ng extrajudicial killings noong administrasyong Duterte.
“Huwag nating hayaang maglaho siya sa likod ng kapangyarihan at impluwensiya. Bato, sumuko ka na! Inuusig ka na ng mamamayan. Harapin mo ang hustisya,” ani Akbayan Youth National Vice Chairperson Claire Lopez.
Nangako rin ang grupo na magpapakalat pa ng wanted posters sa iba’t-ibang bahagi ng bansa. (Alex Mendoza)