Advertisers
NAGPOSITIBO sa gunpowder nitrates ang “volunteer” ng National Bureau of Investigation (NBI) na umano’y sangkot sa insidente ng pamamaril sa gusali ng Senado nitong nakaraang linggo.
Napag-alaman ito Linggo ng gabi sa isang mensahe ni Southern Police District (SPD) Public Information Office (PIO) chief Lt. Mar-garet Panaga.
Sinabi ni Panaga na base sa resulta ng gunpowder test, nagpositibo ang suspek na si Mel Oragon, 44 anyos, na inaresto at isinailalim sa inquest proceedings dahil sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Law on Firearms and Ammunition), alarm and scandal, direct assault, trespass to property, violation of Senate security; tumults and other disturbances of public order; resistance and disobedience to a person in authority or an agent of a person in authority; at disturbance of proceedings.
Nilinaw ni Panaga na hindi agad pinatutunayan ng findings na nagpaputok si Oragon ng baril.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang posibleng dahilan ng positibong resulta.
Aalamin din ng mga awtoridad kung sumailalim din sa kaparehong paraffin testing ang iba pang law enforcement personnel at security officers ng Senado na sangkot sa insidente.
Matatandaan na nagkaroon ng putukan sa loob ng gusali ng Senado 7:50 ng gabi ng Miyerkules (Mayo 13) habang ipinatutupad ang lockdown na nagdulot ng alarma at takot sa mga taong nasa loob ng nabanggit na gusali nang mga oras na iyon.
Base sa inisyal na imbestigasyon, armado ang suspek ng ‘di pa tiyak na kalibre ng ba-ril kungsaan nagpaputok ito ng ilang beses sa gusali ng Senado na naghasik ng takot sa mga taong nasa loob ng GSIS compound.
Nangyari ang kaguluhan dalawang araw makaraang lumutang si Senator Ronald “Bato” Rosa, na halos anim na buwang hindi nagpakita sa Senado, para makaboto sa pagpapalit ng liderato ng Senado na kinalaunan ay napagkalooban din ng Senate protective custody.
Narekober sa drayber ng NBI ang 30 rounds ng 5.56 caliber live ammunition, isang long magazine loaded na may 26 rounds ng 5.56 caliber ammunition, isang short magazine na kargado ng 15 rounds ng 9mm ammunition, blue jacket na may marka ng NBI, itim na polo shirt na may logo ng NBI at badge, at brown sling bag.
Ayon naman sa asawa ng suspek at ng kanyang abogado, driver lamang ito ng isang operatiba ng NBI at hindi regular na empleyado ng natu-rang ahensya.(Mark Obleada)