Advertisers
IKINASA ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang iba’t ibang mga pagbabawal na karaniwang aktibidad sa lansangan at mga lokalidad sa bansa.
Ang mga nakagisnang gawain at tila normal at tipikal nang tanawin sa ilang lansangan, nakaamba nang tapatan ng ahensya ng mga parusa para sa isang ligtas na komunidad.
Nitong Lunes, Abril 6, 2026, inihayag ni DILG Secretary Jonvic Remulla ang mga mahigpit nilang tututukan sa Metro Manila hanggang sa mga karatig nitong lugar.
Paglalatag ng inuman sa kalsada:
Ayon kay Remulla, mahigpit na nilang ipinagbabawal ang mga inuman sa kalye at gayundin ang pagse-set up ng mga lamesa at upuan sa kalye para lamang mag-inuman.
“Meron tayong Anti-Public Intoxication Act. Bawal na ang mag-inom sa kalye. Bawal na ang maglatag ng mga silya at mga lamesa sa mga kalye at mag-inuman,” ani Remulla.
Hirit pa niya, “Sinasabihan ko ang lahat, pasensyahan tayo. ‘Pag kayo mag-inuman sa kalye huhulihin namin kayo.”
Mga lalaking naka-topless sa lansangan:
Diretsahan ding pinuna at ipinagbawal ni Remulla ang mga lalaking naka-topless sa kalye o kaya ay naka-topless habang mga nakatambay lamang.
Paliwanag ni Remulla, marapat lang na magsuot ng damit ang isang lalaki kung pupunta ang mga ito sa mga tabing kalsada.
“It is an act of civility na magbihis naman kayo habang nasa kalye kayo,” diin niya.
Pag-videoke na lalampas ng 10:00 ng gabi:
Bagama’t palalampasin ang mga magvi-videoke tuwing may selebrasyon o fiestahan, mariing nilinaw ni Remulla na maaaring tumawag sa 911 ang sinumang naaabala ng mga videoke na lalampas sa 10:00 ng gabi sa mga araw na wala namang selebrasyon at ginawa nalang hobby ang pagkanta sa videoke sa lampas na oras ng pagpapahinga.
Mga menor de edad na lalabag sa curfew hours ng 10 ng gabi:
Ibinida rin ng ahensya ang enhanced curfew ordinance na nagbabawal sa mga menor de edad na magpakalat-kalat sa lansangan na lampas sa itinakdang curfew hours na 10:00 ng gabi.
“Umuwi na kayo sa mga bahay n’yo. Yung mga rugby boys d’yan, yung mga geng geng d’yan, yung mga g*go sa kalye sa d’yan, magtago na kayo, umuwi na kayo. ‘Pag 10 o’clock huhulihin namin kayo,” saad ni Remulla.
Maghahamon ng away sa gimikan:
Nakahanda rin tapatan ng mga awtoridad ang sinumang maghahamon ng away at gulo sa mga lugar na kadalasang dinadayo sa Metro Manila para magsiya at magkatuwaan.
“Gusto ko safe lahat ng mga taong lumalabas. Yung mga turista dapat safe din sila. Yung mga nagyayabang-yabang d’yan ‘pag lasing, ‘wag na kayong pumorma kasi huhulihin namin kayo. Marami d’yan kasi matapang lang kapag nakainom eh,” anang DILG Secretary.
Sa huli, tiniyak at nilinaw din ni Remulla na ang mga nabanggit na pagbabawal ay pawang hakbang lang nila, katuwang ang hanay ng Philippine National Police (PNP), para sa isa umanong ligtas na lansangan sa Pilipinas.
“We will make the Philippines safer. This is the safer streets initiatives, makakaasa po kayo na ang krimen ay bababa,” saad pa niya.