Advertisers

Advertisers

HIRAP NA HIRAP NA SI MANG JUAN

0 3,702

Advertisers

Nagdudumali ang pagtaas ng presyo ng langis na hatak ang halos lahat ng bilihin na dama ang epekto sa pambansang kabuhayan, hirap na hirap na si Mang Juan. Ang pagtaas ng presyo ng langis ang barometro ng bansa sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin na naglalayo sa karaniwang tao na makakain ng tatlong beses sa isang araw. Ang pagliban sa pagkain ng tao sa laylayan ang senyales na ‘di nagagampanan ng pamahalaan ang tungkulin sa mamamayan. Oo’ nariyan ang mga bigayan ng ayuda higit sa mga taong nagtigilan sa paghahanap buhay sa mahal ng petrolyo o langis na kunsumo sa araw araw na paghahanap buhay. Ang masakit, marami sa mga nasa mababang gitnang uri ang labis ang pamamasada o paglabas ng hulugang sasakyan upang makabuo ng panghulog. Subalit ‘di matiyak kung itutuloy ang pagbabayad o ibibigay sa napagkakautangan ang sasakyan ‘di na mahulugan dahil sa ‘di maipon na halaga ng panghulog na pumapasok sa pambili ng makakain.

Ang pagpasok ng panahon ng tag-init sa bansa ang karagdagang pahirap sa mga tao sa laylayan na ‘di makatulog sa mainit na siksikang barong barong. Sa paglatag ng likod sa papag na lakaran, tulugan, kainan na karaniwang larawan ng higaan na ‘di maibsan ang mainit na panahon ang nagtutulak sa tao sa laylayan na magdalawa o tatlong salin sa pagtulog ng maibsan ang init ng panahon. Sa totoo lang, ‘di makayanan ng bintilador ang init ng panahon at ang magpaubaya higit sa mga bata na gumamit ang gawa ng matatanda. At ‘di pa usapin kung may banggit na gamit at ang buwanang bayarin sa kuryente na nakakabit sa kalapit bahay na karaniwang sanhi ng sunog sa mga pamayanan ng tao sa laylayan.

Sa totoo lang, ‘di mapanghahawakan ang nakikita ng mata sa kalagayan ni Mang Juan at ang maghanap ng ilang pag-aaral na magsasabing tama ang obserbasyon na nagaganap sa tao sa laylayan. Sa estatistika, 15.5% o 17.54M pinoy ang nasa mahirap na kategorya na bumaba mula sa 18.1% sa panahon ng pandemya. Sa unang tingin tila nasa tamang galawan ang pagtuon ng pamahalaan sa paghawak sa pangkabuhayan ng bansa. Subalit hindi ito ang larawan sa pangkalahatan sa bansa dahil maraming rehiyon na higit na mahirap kumpara sa iba, at ang rehiyon ng Zamboanga ang nasa baba ng pinaka mahirap na rehiyon kung saan marami ang sumasala sa pagkain. Samantala, ang NCR ang may pinakamababang antas ng naghihirap ayon sa nakalap na datos, subalit ang larawan ng kawalan ay ganap na mamasdan sa kaMaynilaan. Sa kabilang banda, ang matingkad na katotohanan, ang mga magsasaka, mangingisda at mga katutubo ang ganap na nakakaranas ng paghihirap gayung ang sektor ang naglilinang ng maraming makakain ng bansa.

Sa kabilang banda, nasilip ang pagbaba ng bansa sa larangan kabuhayan sa Silangang Asya at naungusan ng Vietnam. Ang GDP ng bansa’y tulad ng Bhutan, Sri Lanka at Jordan $3.948 o kabilang sa mga pinaka mahirap na bansa sa mundo. Ang mapasama ang bansa sa mga naghihirap na bansa ang kaganapan na ang tao sa laylayan ang nakakadama. Samantala, nariyan ang ilang pamilya higit ang mga opisyal ng gobyerno na ‘di malaman kung saan ilalagay ang nakaw na yaman na pasan pasan ni Mang Juan sa kanyang balikat. Hindi maibsan ang kalagayan ng tao sa laylayan dahil sa pandarambong na gawa ng iilang opisyal na dahilan na mapabilang ang bansa sa mga pinakamahihirap na bansa sa mundo. Mahiya naman kayo kay Mang Juan.

Sa totoo lang, maraming mga dahilan na ‘di makahulagpos ang bansa sa kahirapan, nariyan ang mga likas na kaganapan na taon taon na bumibisita sa bansa. Ang pagbisita ng kalamidad sa bansa’y makakayanan ng tao sa laylayan sa dahilan ng kasanayan. Ang nagpapabigat sa kalooban ni Mang Juan ang walang pakundangan na pagnanakaw sa pamahalaan na ‘di masugpo sa haba ng panahon. Nagsalin ang mga namumuno sa bansa ngunit ‘di nakasumpong ng tatapos sa pandarambong. At tila ang bagyong Ondoy ang tumama sa pamamahalan sa laki ng kinurakot sa kabang bayan. Ang pagkakaroon ng malinis na pamamahala ang isang mailap na kaganapan sa bansa sa dahilan na ‘di ibig ng mga kasalukuyang namamahala na mabago ang kaayusan. Kaayusan na ‘di ibig bitawan ng mga nakaupo sa pwesto na sinususugan ng ilang may kaya ng mapanatili ang pamamayagpag ng kabuhayan..

Sa totoo pa rin, hindi mahirap ang bansa bagkus maraming likas yaman ang Pinas na ‘di mapakinabangan ng nakakarami dahil sa uri ng namumuno mula sa pambansa tungo sa mga lokal na pamahalaan. Marami ang nagpapaabot ng pang-aabuso ‘di lang sa mga pangyayaring politika maging sa paninira sa kalikasan dahil sa likas yaman. Saan napupunta ang mga likas yaman na hinuhukay, pinuputol gayung pag-aari ito ng bansa. Samantala, tulad ng banggit sa itaas, ang katutubo, magsasaka, pamalakaya ang mga pinakamahihirap sa bansa gayung sila ang tuwirang naninirahan sa mga lugar kung saan nasisilip ang mga likas yaman ng bansa. Bakit wala silang pakinabang gayung simula ng isilang ang kanilang mga pinagmulan duon na sila naninirahan.

Mayaman ang Pinas sa likas yaman, sa kagalingan pang-intelektual na ‘di napakinabangan ng mamamayan dahil sa kasakiman at salang gawa ng iilan. Hirap na hirap na si Mang Juan sa kalagayang pangkabuhayan at tila susuko sa mahal ng mga bilihin na nakatali sa malayong giyera sa bansa. Hindi mabatid kung bakit patuloy na nagmamahal ang langis gayung maraming dahilan na ‘di dapat naganap sa kaayusan na banggit ng namamahala. Ang pagkakaroon ng mga imbak at ngayon ang pinayagang maglayag ang mga pandagat na sasakyan ng mga Langis sa tawiran na pinanggalingan. O’ sadyang inuuna ang pansarili ng iilan sa kalagayang nagaganap. Humina na ang pera ng bansa at bumaba ang lakas na pambili ng kaperahan na dahilan sa patuloy na paghihirap ni Mang Juan. Humakbang o gumalaw kayo na nasa pamahalaan ng maibsan ang hirap na hirap na si Mang Juan at ang tao sa laylayan. Hindi kailangan ang magpaka bayani, ang maibsan ang kahirapan ni Mang Juan ay ayos na kahit sa pansamantala.

Maraming salamat po!!!!