Advertisers
Ni Anne Venancio
Matapos matulungan ang limang college students na makapagtapos ng pag-aaral, naglunsad ang Kapuso actor na si Alden Richards sa pamamagitan ng AR Foundation ng Hero for All: Honoring Stories of the Everyday Filipino.
Ang proyekto ay isang nationwide search na layuning kilalanin ang 20 Pilipino na naghatid ng makabuluhang pagbabago sa kanilang komunidad sa pamamagitan ng simpleng kabutihan at malasakit sa kapwa.
Layunin ng kampanya na ipakita na ang pagiging bayani ay hindi nakabase sa estado sa buhay kundi sa hangaring makatulong at makapag-ambag sa lipunan. Aniya, maraming Pilipino ang tahimik na gumagawa ng kabutihan nang walang inaasahang kapalit o pagkilala.
“I am proud to be part of this movement because we get to highlight individuals who create real social change in their communities,” aniya.
Dagdag pa niya, ang tunay na bayani ay hindi kailangang sikat o maingay, kundi yaong mga taong gumagawa ng mabuti sa simpleng paraan sa araw-araw.
Sa paglulunsad ng proyekto noong Abril 9, 2026, kasabay ng Araw ng Kagitingan, ibinahagi rin ni Alden na malaki ang naging impluwensya ng kanyang mga naging papel bilang bayani sa telebisyon tulad nina Jose Rizal sa Ilustrado at Victor Magtanggol sa kanyang pananaw sa kabayanihan.