Advertisers

Advertisers

VP Sara sa impeachment hearing dapat sumagot, ‘di sa press release – Ridon

0 8

Advertisers

Hinamon ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon si Vice President Sara Duterte na dumalo sa impeachment hearing ng House Committee on Justice at doon sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya ni Ramil Madriaga.
Ginawa ni Ridon ang hamon matapos na maglabas ng pahayag si Duterte kung saan ibinasura nito ang mga sinabi ni Madriaga, partikular ang alegasyon na nagpatulong ito upang matapos ang kanyang law school.
“Mas mainam na sa House impeachment hearings niya banggitin mismo ang mga kontrang pahayag na ito, imbes na sa mga press statement at sa mga press conference ng kanyang mga abogado,” sabi ni Ridon.
“Muli, nagpapatuloy ang karapatan ng Pangalawang Pangulo na dumalo sa mga pagdinig ng House Committee on Justice sa impeachment proceedings laban sa kanya upang makapaglahad ng kanyang mga ebidensiya sa lahat ng mga paratang sa kanya,” dagdag pa nito.
May itinakdang pagdinig ang Justice panel sa Abril 22.
Sa kanyang pagharap sa impeachment hearing noong Martes, sinabi ni Madriaga na nahirapan si Duterte sa law school batay sa kuwento ni Assistant Special Prosecutor Ryan Rey Quilala ng Office of the Ombudsman, na isa umanong professor ng Bise Presidente noong nag-aaral pa ito sa San Sebastian College of Law.
“He (Quilala) shared with me that Sara was not particularly good in school, was often struggling with her academics, and habitually rude and violent to other students. Hence, Atty. Ryan used his influence in SSC-Law to ensure that Sara received passing grades despite her poor academic performance,” sabi ni Madriaga.
Sinabi ni Duterte na hindi totoo ang sinabi ni Madriaga na inilarawan nitong “bar flunker and kidnapping suspect.”
Ayon kay Duterte, natapos nito ang kanyang law school ng walang hinihinging special accommodation sa mga propesor at hindi umano siya inireklamo sa kawalang-galang o pagiging bayolente sa SSC-R College of Law. (Henry Padilla)