Advertisers

Advertisers

HOUSE SILIP ANG AMLC FINDINGS SA YAMAN NI VP SARA

0 4

Advertisers

IPINAPAKITA ng ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nakapag-ipon ng hindi maipaliwanag na yaman si Bise Presidente Sara Z. Duterte, ayon sa House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman, Atty. Joel Chua ng Maynila, nitong Huwebes.
Ayon kay Chua, miyembro ng House Committee on Justice, lumalabas sa ulat ng AMLC na mahigit P6.7 bilyon ang na-flag ng mga bangko bilang “covered at suspicious transactions” na may kaugnayan sa Bise Presidente at sa kanyang mister na si Atty. Manases Carpio mula 2006 hanggang 2025.
Sa kabila nito, aniya, idineklara ng pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa na “walang cash on hand at cash in bank” sa kanyang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) sa loob ng anim na taon mula 2019 hanggang 2024.
“Wala pong dineklara (na cash on hand at in bank)… Tapos may lumabas ngayon na ganitong report na may pumasok at may lumabas. Ibig sabihin pong ill-gotten wealth ay yaman na hindi maipaliwanag,” pahayag ni Chua.
Dagdag pa niya, batay sa ulat ng AMLC, umabot pa sa P2.87 bilyon ang balanse sa bangko ng Bise Presidente at kanyang asawa matapos ang “outflow” na P1.554 bilyon.
“Dito ang kabuuang nire-report ay pumapasok sa P6.771 bilyon. Pero inflow at outflow ito, na kabuuan ng pumasok at lumabas. Ang inflow ang pumasok, samantalang ang outflow ang lumabas, P4.425 bilyon at P1.554 bilyon… Kaya may lumalabas na balanseng P2.87 bilyon,” paliwanag ni Chua.
Aminado si Chua na nagulat sila sa nilalaman ng ulat ng AMLC.
“Nagulat kami dahil una naming tinanong ang Ombudsman tungkol sa SALN, at sinabi nilang mula 2019 hanggang 2024, wala pong dineklarang cash—cash on hand at cash in bank—ang ating Bise Presidente. Anim na sunod-sunod na taon iyon,” diin niya.
“Kaya nagulat kami nang magsalita ang AMLC tungkol sa bilyon-bilyong halaga. Ang dami pong zero, nahilo po kami. Talagang nakakagulat,” dagdag pa ni Chua.
Kabilang sa mga alegasyon laban sa Bise Presidente sa dalawang impeachment complaints na nakabinbin sa komite ang umano’y pag-iipon ng hindi maipaliwanag na yaman at hindi pagdedeklara ng ilang ari-arian sa kanyang SALN.
Sinabi ni Chua na sa pagbusisi ng komite sa katotohanan ng mga paratang, isasaalang-alang nila ang mga ulat mula sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng Office of the Ombudsman, AMLC, at Securities and Exchange Commission (SEC).
“Marami na tayong inilabas pati sa SEC. Pababanggain natin ang mga ito, ang SALN, AMLC at SEC records. Ayon sa SEC, halos lahat ng negosyo nila ay lugi, puro declared losses, at kung may kita man ay napakaliit at tila hindi tumutugma sa mga numerong lumalabas sa AMLC,” aniya.
Nais din ng komite na suriin ang income tax returns ng Bise Presidente at ng kanyang asawa.
Naantala ang pagtalakay rito noong Miyerkules nang ipahayag ni Internal Revenue Commissioner Charlito Martin Mendoza ang kanyang pangamba sa mga legal na limitasyon sa pagbubunyag ng impormasyon ukol sa buwis.
Nananatiling nakabinbin ang isyung ito sa desisyon ng komite.
Giit ni Chua, may pagkakataon pa ang Bise Presidente na pabulaanan ang mga paratang laban sa kanya.
“Magpapatuloy ang hearing hanggang sa susunod na linggo at binibigyan parin ng pagkakataon ang ating Bise Presidente na magsumite ng ebidensya. Kapag natapos na ang hearing, saka pa lamang masasabi kung may probable cause. Hangga’t hindi pa ito pinal, maaari pa nila itong tutulan o i-rebut,” aniya.
Binigyang-diin din niya na paulit-ulit na inaanyayahan ang Bise Presidente na ihayag ang kanyang panig sa mga nakaraang pagdinig ng komite.
“Kung mapapansin ninyo, tinatawag sa bawat hearing ang ating Bise Presidente. Maaaring dumalo siya at ihanda ang kanilang ebidensya, bahagi ito ng due process,” paliwanag ni Chua.
“Hanggat hindi pa nagsasara ang committee at wala pang botohan, patuloy kaming tatanggap ng kanilang mga ebidensya,” pagtatapos ni Chua.