Advertisers
Ipinagtanggol ni Batangas Second District Representative at House Committee on Justice Chairperson Gerville Luistro, ang naging desisyon ng kaniyang komite na ilabas ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa gitna ng impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte, sa kabila ng pagsasampa ng kaso sa korte ngayon araw ni Atty. Manases Carpio, asawa ng bise presidente, dahil umano sa paglabag sa Bank Secrecy Law ng AMLC at ng mga miyembro ng House Justice Committee.
Ayon sa isang panayam ng media sa mambabatas, tugon ni Luistro, bahagi lamang umano ito ng legal na hakbang ng kampo ng depensa ng Vice President, upang pigilan ang pagbubunyag ng impormasyon. Iginiit niyang walang nilabag na batas ang pinamumunoang komite dahil hindi direktang bank records ang kanilang isinapubliko kundi mga “covered” at “suspicious transactions” na saklaw ng AMLC.
Nilinaw rin niya na sinadyang hindi mag-pasubpoena sa mga bangko at bank records ang komite at sa halip ay tinukoy ang ulat ng AMLC bilang mas “safe” na hakbang. Ani pa ni Luistro, ang impeachment ay isang mekanismo ng accountability sa ilalim ng Konstitusyon kung saan maaaring maging exception ang confidentiality ng bank records.
Kaugnay ng isyung P6.7 bilyong transaksyon, sinabi niyang ito ay pinagsamang “inflow” at “outflow” sa loob ng ilang taon at malinaw na may breakdown sa ulat ng AMLC.
Gayunman, kinuwestiyon niya ang hindi umano pagtutugma nito sa SALN ng Bise Presidente kung saan may mga panahong zero ang idineklarang cash at bank deposits ni Duterte, sa kabila ng umiiral na mga transaksyon.
Dagdag pa ng mambabatas, walang basehan ang alegasyong “bloated” ang halaga dahil detalyado at transparent ang pagkakalahad ng datos.
Samantala, inaasahang tatalakayin sa susunod na pagdinig ang pagbubukas ng “BIR box” at ang ulat ng NBI hinggil sa umano’y banta laban sa Pangulong Bong Bong Marcos Jr., Unang Ginang Liza Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez. Posible ring bumoto ang komite sa April 29, 2026 upang tukuyin kung may “probable cause” sa impeachment complaint kay Vice President Sara Duterte.(Koi Laura)