Advertisers

Advertisers

11 opisyal ng Pangasinan PNP sinibak sa ‘jueteng’

0 6

Advertisers

INALIS sa puwesto ang 11 opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa lalawigan ng Pangasinan matapos na mahuli ang nasa 170 personnel at operator ng ‘jueteng’ sa isinagawang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kamakailan.
Base sa dokumento na nakuha ng Abante, nanguna sa inalis sa puwesto si Police Colonel Arbel Mercullo, direktor ng Pangasinan Police Provincial Office; Lt. Col. Arvin Jacob, hepe ng Provincial Intelligence Division PRO-1; Lt. Col. Norman Rañon, OIC Regional Intelligence Division PRO-1.
Kabilang din sa sinibak ang mga hepe ng bayan at lungsod ng Pangasinan na sina:
– P/Lt. Col. Jessie Balinang ng Urdaneta City Police Station
– P/Lt. Col. Quintin Casabar Jr. ng Calasiao Municipal Police Station
– P/Lt. Col. Zaldy Fuentes ng San Carlos City Police Station
– P/Maj. Noel Cabacungan ng Rosales Municipal Police Station
– P/Maj. Ramsey Ganaban ng Laoac Municipal Police Station
– P/Maj. Peter Valerio ng Manaoag Municipal Police Station
– P/Cpt. Benedict Espinoza ng Mapandan Municipal Police Station
– P/Cpt. Christopher Nacional ng Infanta Municipal Police Station
Epektibo ang kanilang pagkakatanggal sa puwesto Abril 27, 2026 sa kautusan ni PNP chief General Jose Melencio Nartatez Jr.
Ang mga opisyal ay kasalukuyang inilagay sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) sa Camp Crame.
Nag-ugat ang pagkakaalis sa puwesto ng mga nasabing opisyal sa isinagawang sunod-sunod na raid ng NBI sa jueteng sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan nitong Abril 13.
Pinakamaraming nahuli sa San Carlos City na may 49 jueteng financiers at operators ang nadakip; 40 naman ang nasakote sa bayan ng Rosales kabilang ang isang dating konsehal at dating municipal administrator ng bayan; 34 jueteng personnel at operator ang nakorner sa bayan ng Calasiao; 31 sa Urdaneta City; at 25 sa bayan ng Manaoag.
Napag-alaman pa na dalawang top officials ng lalawigan ng Pangasinan na dating magkasosyo sa STL ang nga-yon ay nag-away dahil sa du-gasan sa kita.