Advertisers
KINUMPIRMA ni National Bureau of Investigation (NBI) Director, Atty. Melvin Matibag, na isasama narin sa mga kakasuhan si dating Congressman at dating DENR Secretary Mike Defensor kaugnay ng human trafficking.
Ayon kay Matibag, lumabas sa imbestigasyon na may direktang kaugnayan si Defensor sa establisyimento na ni-raid ng NBI kamakailan kungsaan nailigtas ang 54 kababaihang biktima ng ‘sexual exploitation’.
Ang ilegal na aktibidad, ayon kay Matibag, ay nagaganap sa Bleu Hotel at Chicago Nightclub. Ginagamit ang “line-up” system sa nightclub para pumili ang mga kliyente ng mga babaeng bibiktimahin.
Bago ang anunsiyong ito, naisama narin sa mga respondent sa human trafficking case ang asawa ni Mike na si Julie Defensor at ang kanilang anak na si Miguel ng Zerrin Development Corp., ang kompanyang nagmamay-ari sa na-sabing hotel.
Saad pa ni Matibag, ina-asahang isasampa ng NBI ang pormal na reklamo laban kay Defensor at sa iba pang indibidwal sa Inter-Agency Council Against Trafficking sa susunod na linggo.
“Next week, there is already a filing… it looks like human trafficking, he [Defensor] will also be charged with that,” pahayag ni Matibag, ayon sa ulat ng Inquirer.