Advertisers

Advertisers

HIGIT NA PAGHANDAAN

0 13

Advertisers

Nagbago ang mukha ng politika sa bansa, ang dating tinitingala sa lipunan ang ngayo’y tampulan ng biro na masakit sa tenga. Habang ang dating nililibak ang siya ngayong tinitingala na kagalang – galang sa paningin ni Mang Juan at ng bayan. Dumaan sa masusing pag-uusisa at mga talumpati ng mga kinatawan sa malawak na kapulungan at ganap na nagpasya ang ang malaking bilang ng mga kinatawang bayan, 257, ng pagsang-ayon sa ulat ng Komite ng Katarungan, at nagpasyang ipasa sa bugok na kapulungan ang pagpapasipa sa abalang pangulo ng bansa. Hindi naging mahirap nang magpasya ang malawak na kapulungan at isinulong ang rekomendasyon ng Komite ng Katarungan na nakitaan ng sapat na mga dahilan na pasagutin ang abalang pangulo sa senado.

Matibay ang pasyang nabuo sa malawak na kapulungan sa dami ng umayon na ipasipa ang abalang pangulo ng bansa. Subalit, nag-alumpihit ang kabilang kapulungan sa haharaping usapin at nagpasya ang nakakarami ng mga senador na magpalit ng liderato. Sa paglitaw ng nagtatagong si Mang Nano, nakamit ng dating iilan ang nakakarami at dagling tumayo si Sen. Kaldero at hinamon ang dating liderato na ibakante ang pwesto at muling magbotohan para sa liderato ng kapulungan. Sa tamang bilang ng mga kakampi, naganap ang pagpapalit sa liderato ng bugok na kapulungan. Sa bilang n a labing tatlo, nakuha ang liderato ng kapulungan na tuwirang magbabago sa magiging takbo ng paglilitis sa usapin ng abalang pangulo. Ang ganap na bilang ng mga kinatawan ang sangkalan ng liderato sa mga kapulungan na naganap sa senado ngunit ‘di ang tindig at kakayanan.

Sa totoo lang, naging ma-drama ang naganap sa bugok na kapulungan sa paglitaw ni Mang Nano, pagkalipas ng maraming panahon. Lumitaw si Mang Nano sa senado ng may kabilisan o forthwith dahil hinahabol ng mga kawani ng NBI. Nagkandarapa at nagkadapa – dapa ang matarantahing si Mang Nano ng ‘di abutan ng mga dadakip na kawani ng NBI. Sa pagtakas sa humahabol at nakarating sa bulwagan ng senado, nabuhayan ng loob at mayabang na inakusahan ang mga kawani ng NBI ng paglabag sa panghuhuli sa isang senador sa loob ng bakuran ng tanggapan. Nahimasamasan ang maputlang si Mang Nano at nagkadugo ng magsalita sa plenaryo at kinondena ang ginawa ng mga kawani ng NBI. Siyempre, bida sa talumpati ni Mang Nano si SenTri na dala ang madamyento de aresto mula sa ICC. At nakiusap sa bagong pangulo ng senado na paalisin si SenTri na nasa loob ng pasilidad ng senado, na ‘di nangyari.

Sa totoo lang, wagas ang kaba ni Mang Nano na may hawak na papel si SenTri mula sa ICC na magdadala sa kanya sa piitan. Ang kaba ang nagdikta sa sarili na manatili sa loob ng senado ng ‘di magalaw ng mga kawani ng NBI bilang pagtalima sa paggalang sa isang kinatawan at sa tanggapang pinagsisilbihan. Hindi nagawa ni Mang Nano na magpasilip sa mga kawani ng NBI sa takot na mahatak at maipasok sa oblo kasama ang ‘di makauwi amo na mula sa The IwaHague. Ayon sa mga bubwit, sa tanggapan ni Sexy nagpalipas ng magdamag si Mang Nano upang lituhin ang mga kawani ng NBI. Galawang parak ang istilo ni Mang Nano na nagsisiguro na ‘di madadampot o ayaw magpahuli. Sakaling mabatid ang kinaroroonan, ang paghingi ng ilang kaukulang papeles ang gawa na magbibigay oras para maka-eskerda ang mamang puro bumbunan.

Sa pagbabago sa liderato ng paroroonan ng pagpapasipa sa abalang pangulo, lumilinaw na tila bundok at dagat ang susuungin ng mga tatayong taga-usig. Ganap na magkakaroon ng pagdinig sa usapin ng pagpapasipa sa abalang pangulo ngunit silip na ‘di madali ang tahakin na susuungin ng mga taga-usig sa bantad na kadahilanan, makiling ang nakakarami kay Inday Salakay. Ang pagpapalit ng liderato ng mga bugok ang malaking hamon na haharapin ng 11 kinatawan na tatayong taga-usig. Ganun pa man, silip na may pagmamalabis ang abalang pangulo sa paggastos sa pondo ng bayan, naubos ang P612M sa sandaling panahon ngunit ‘di sa nakakaraming mga tatayong senador na huhukom. Sa palitan sa liderato sa senado ang balakid na ‘di nasilip ngunit o dapat pagtuunan ng pansin.

Sa pinakitang pagsuporta ng nakakaraming kinatawan sa malawak na kapulungan, ang pagbubuo ng mahusay na tatayong taga-usig ang inaasahan higit sa takbo ng kaganapan sa pupuntahan ng reklamo laban sa abalang pangulo. Hindi inaasahan na magiging malamya ang palitan ng mga tindig mula sa taga-usig at mga tatayong hukom. Malinaw na ‘di titingin ang mga tatayong hukom sa mga nakalap at ihaharap na mga dokumento na magpapatunay sa salang gawa ng abalang pangulo. Marahil tutuon ang mga kakampi ni Inday Salakay sa kung paano nakalap ang mga dokumento. At umasang magaganap ang takutan sa mga tatayong testigo sa usaping nasa harap. Muli, hindi magtutuon ang mga huhukom na kakampi ni Inday Salakay sa mga dokumento nasa harap sa halip sa paraan kung paano nakalap ang mga ihaharap na dokumento bilang patunay o ebidensya.

Sa totoo lang, ang masinop na paghahanda ng mga taga-usig sa salang gawa ng abalang pangulo na dapat pagmunian ng mga senador-hukom. Walang hindi mag-iiba o magbabago kung silip ang salang gawa na naganap sa panahon na napasama sa usapin. Ang pagpapatunay sa salang gawa’y nasa kamay ng taga-pagusig na pahahalagahan ng mga tatayong hukom. At huwag alisin sa isip, nagmamasid ang taong bayan sa bawat hakbang sa usapin na sa harap.

Sa mga senador na huhukom, ang kagalingan ng bayan ang nasa harap at umaasa na ang tindig na gagawin ay para sa katotohanan at katarungan na makakamit ng bayan. Hindi magpapabaya si Mang Juan maging ang bayan na mapunta sa wala ang ang pagmamalabis sa kabang bayan ng abalang pangulo. Uulitin, para sa mga senador-hukom, nagmamasid ang bayan sa galaw at tindig na ipapamalas na ang pag-ayon sa salang gawa’y pagtataksil sa inatang na tungkulin ng bayan. At umaasa ang bayan na iisantabi ang kampihan at pananaigin ang katotohanan na may katarungan.

Sa huli, ang pagbabago sa liderato sa senado ang higit na paghandaan ng mga taga-usig at ‘di pang media at social media ang nakalap na mga magpapatunay sa salang gawa ng abalang pangulo. Sa totoo lang, ‘di lang ang senado o ang mga senador ang huhusga sa usaping nasa harap, nakamasid ang bayan sa mga patunay na dokumento, sinumpaang salaysay na ilalahad ng mga saksi ng mga taga-usig sa salang gawa ni Inday Salakay. Ang salang pasya na ibibigay o ihahatol ng mga hukom-senador ang dahilan sa pagkilos na gagawin ng bayan upang itama ang pasya. Ang tamang pasya sa katotohanan ang hustisya ang inaasahan ng bayan. Sa huli, ang bayan ang magpapasya..

Maraming salamat po!!!!