Advertisers

Advertisers

PEZA, ILALAPIT ANG SERBISYO NG GOBYERNO SA MAMAMAYAN

0 10

Advertisers

Sa gitna ng patuloy na pagsusumikap ng pamahalaan na ilapit ang serbisyo sa mamamayan, muling isasagawa ang “Festival of Services” sa May 27–28, 2026 sa loob ng Cavite Economic Zone (CEZ), isang inisyatiba ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA) na layuning gawing mas mabilis, mas accessible, at mas episyente ang mga serbisyong pampubliko para sa mga manggagawa at residente sa loob ng economic zone.
Sa loob ng dalawang araw na selebrasyon, inaasahang magtitipon-tipon ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno upang direktang magbigay ng serbisyo sa mga empleyado ng CEZ. Kabilang dito ang mga frontline services tulad ng renewal ng driver’s license at iba pang dokumento mula sa Land Transportation Office (LTO), mga aplikasyon at renewal ng ID mula sa Professional Regulation Commission (PRC), at iba pang mahahalagang transaksyon na karaniwang nangangailangan pa ng pagpunta sa iba’t-ibang opisina.
Isa sa mga pangunahing layunin ng aktibidad ay ang mabawasan ang oras at gastos ng mga manggagawa sa pagproseso ng kanilang mga dokumento. Sa halip na umalis pa sa trabaho at mag-file ng leave, maaari nilang samantalahin ang on-site services na direktang inihahatid sa loob ng economic zone.
Bukod sa mga nabanggit, makikibahagi rin ang Social Security System (SSS) at ang Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund (HDMF-Pag-IBIG), na mag-aalok ng iba’t-ibang serbisyo tulad ng loan inquiries, membership updates, at benefit processing.
Inaasahan din na marami sa mga transaksyon, matatapos at magkakaroon ng resulta sa loob lamang ng araw, isang malaking kaginhawaan para sa mga benepisyaryo.
Hindi lamang ito para sa mga manggagawa sa loob ng CEZ. Bukas din ang Festival of Services sa publiko na nais mag-avail ng mga serbisyo ng gobyerno sa isang mas mabilis at organisadong paraan.
Ayon sa mga tagapag-organisa, bahagi ang naturang programa ng patuloy na hakbang upang gawing mas “service-oriented” ang mga economic zone at ipakita na ang pag-unlad hindi lamang nakikita sa industriya, kundi pati na rin sa kalidad ng serbisyong ibinibigay sa mga tao.
Sa kabuuan, hindi lamang isang simpleng aktibidad ang Festival of Services, kundi isang konkretong hakbang tungo sa mas episyenteng pamahalaan—kung saan lumalapit sa tao ang serbisyo, at higit na pinahahalagahan ang oras ng bawat manggagawa.