Advertisers
HUMINGI ng paumanhin sa biktima at sa Philippine National Police (PNP) ang isang police corporal na nakunan ng video habang sinasaktan ang kanyang live-in partner sa Malolos City, Bulacan.
“Ako po’y humihingi ng pasensya sa lahat ng na-offend sa nangyari sa amin ng partner ko. Napag-uusapan na po namin ‘yon pero mali po ang pangyayaring ito… hindi po lahat ng pulis ay ganito,” wika ng opisyal.
“Ito pong nangyari sa amin ay maging aral na magkontrol po tayo. Kami po ay dumaan lang sa problema ng aking kinakasama kaya po nangyari sa akin to,” dagdag nito.
Napanood ang pulis sa isang viral video na kumakalat Mayo 10, 2026 kungsaan paulit-ulit niyang sinusuntok sa mukha at katawan ang kaniyang kasama.
Hindi niya isiniwalat kung ano ang naging sanhi ng pagtatalo ngunit inamin niyang may emosyonal na problema siya nang mangyari ang insidente.
“Wala pong justification para sabihin kong tama po ang manakit ng babae. Humihi-ngi po ako ng patawad lalong-lalo na sa mga kapulisan na nadadawit po sa isyu na ito. Gano’n din po sa aking maybahay. Beb, malalampasan naman natin ‘to… Magulo na po ang isip ko. Hindi ko po alam kung bakit ko nagawa ‘yon.”
Mariing kinondena ni Napolcom commissioner Rafael Calinisan ang panghahalay, at sinabing hindi maikakaila ang ebidensya laban sa opisyal.
“Harap-harapan naman po ‘yong ebidensya. Kitang-kita naman po natin ‘yong pangyayari. Hindi na kailangan ng scientist para makita kung paano binugbog ng taong to ‘yong isang babae.”
Nagbabala rin si Calinisan sa mga miyembro ng PNP laban sa pakikisangkot sa mga marahas na gawain.
Kasunod ng insidente, si-nabi ng Napolcom na plano nitong higpitan ang proseso ng recruitment para sa mga opisyal ng pulisya.
Nakasampa na ng mga kasong administratibo at kriminal laban sa pulis.
Sinabi ng Napolcom na maaari siyang matanggal sa serbisyo kapag natapos na ang imbestigasyon.