Advertisers
Ikinatuwa ni FPJ Panday Bayanihan Party-List Rep. Brian Poe ang pagpasa, nitong Martes, ng Right to Information Act sa ikatlong pagbasa sa Kamara, na aniya’y isang mahalagang hakbang upang higit na mabigyan ng kapangyarihan ang mga mamamayan sa pakikilahok sa mga usaping pampubliko.
Ayon kay Poe, na isa sa mga may-akda ng panukala, personal na mahalaga sa kanya ang pagpasa ng RTI Act dahil ito ang kauna-unahang panukalang batas na kanyang inihain bilang miyembro ng Kongreso.
“Ang karapatan sa impormasyon ay hindi lang basta patakaran ng gobyerno—isa itong pangunahing karapatan sa isang demokrasya,” anang mambabatas.
Ang RTI Act ay naglalayong magtatag ng malinaw at epektibong mekanismo upang matiyak ang access ng publiko sa mga impormasyong hawak ng mga ahensya ng pamahalaan, alinsunod sa karapatang nakasaad sa Konstitusyon.
Binigyang-diin din ni Poe na matagal na itong hinintay ng mga Pilipino.
“Matagal nang hinihintay ng mga Pilipino ang isang malinaw at maipatutupad na balangkas na titiyak sa kanilang karapatang magkaroon ng access sa impormasyong hawak ng pamahalaan,” ani Poe.
“Sa pag-apruba ng panukalang ito sa Third Reading, nakagawa ang Kamara ng isang mahalagang hakbang tungo sa pagsusulong ng kultura ng pagiging bukas at transparency sa pamahalaan, pagpapalakas ng makabuluhang partisipasyon ng mamamayan sa mga usaping pampubliko, at pagpapatibay ng tiwala ng publiko sa ating mga demokratikong institusyon,” dagdag pa niya.
Pinasalamatan ng nasabing mambabatas ang mga kapwa niya may-akda ng panukala, mga komite ng Kamara, mga organisasyon ng civil society, mga kasapi ng media, at iba pang sektor na patuloy na nagsulong ng panukala sa loob ng maraming taon.
Ayon kay Poe, ang pagpasa ng RTI Act sa Kamara ay bunga ng sama-samang paniniwala na ang mabuting pamamahala ay nakasalalay sa isang mamamayang may sapat na kaalaman at kakayahang makilahok sa mga usaping pampubliko.
Habang hinihintay ang mga susunod na hakbang sa proseso ng lehislasyon, umaasa si Poe na patuloy na susuportahan ng Senado at ng iba pang sangay ng pamahalaan ang panukalang batas. (Cesar Barquilla)