Advertisers
Nakikiisa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagdiriwang ng Pride Month, kasabay ng pagkilala sa katapangan at mga ambag ng LGBTQIA+ community sa pag-unlad ng bansa.
Sa kanyang mensahe, iginiit ng Pangulo na bawat Pilipino ay may karapatan sa pantay na proteksyon, oportunidad, at paggalang sa ilalim ng batas, anuman ang kanilang kasarian o pagkakakilanlan.
Binigyang-diin din ng Punong Ehekutibo na ang tunay na inklusyon ay hindi dapat manatili sa salita lamang kundi dapat makita sa mga polisiya, institusyon, at pang-araw-araw na pagkilos ng mamamayan.
Ayon kay Marcos, mahalagang bahagi ng kasaysayan at pag-unlad ng Pilipinas ang talento, serbisyo, at pamumuno ng LGBTQIA+ community kaya walang sinuman ang dapat makaramdam na sila ay hindi kabilang sa lipunang kanilang tinutulungang buuin.
Samantala, nanawagan din si PBBM ng pagkakaisa, paggalang, at malasakit sa pagbuo ng isang Bagong Pilipinas kung saan wala aniyang maiiwan dahil sa kanilang pagkatao, pagkakakilanlan, o pagmamahal. (Gilbert Perdez)