Advertisers
PORMAL nang idinulog sa Korte Suprema ang isyu ng liderato sa Senado.
Nitong Biyernes, Hunyo 5, nang maghain ng petisyon sa Supreme Court ang high school teacher na si Barry Tayam para humingi ng paglilinaw sa legalidad ng naging sesyon ng Senado noong June 3 kung saan nagkaroon ng quorum kahit 12 lamang ang senador at nagpalit ng Senate leadership.
Sinabi ni Tayam na hinihiling niya sa Kataas-taasang Hukuman na ideklarang lehitimo ang quorum ng Senado at pagpapalit ng liderato.
Ibinatay daw niya ito sa ruling ng mismong Korte Suprema sa Avelino vs Cuenco.
Una nang kinuwestiyon ni Senator Alan Peter Cayetano ang legalidad ng pagluklok ng kaniyang mga kasamahan kay Senador Win Gatchalian bilang bagong Senate President Pro Tempore.
Mariing nanindigan si Cayetano na siya pa rin ang lehitimong pinuno ng Senado at binigyang-diin na walang bisa at labag sa Saligang Batas ang ginawang hakbang ng 12 senador dahil sa kawalan ng mayorya o quorum upang magpatupad ng pagbabago sa liderato.
Sinabi ni Cayetano na 13 ang kailangan na boto mula sa mga senador bago mapatalsik ang nakaupong opisyal o makapaghalal ng bago ayon sa nakasaad sa Konstitusyon.
Maaari lamang din daw gampanan ng Pro Tempore ang pagiging acting Senate President kung ang nakaupong pinuno ay nag-resign, natanggal sa puwesto sa pamamagitan ng sapat na boto, namatay, o nakaranas ng absolute incapacity.