Advertisers

Advertisers

Walang kampo; Senado ang pinili ni Chiz

0 82

Advertisers

NAKAKA-STRESS nang panoorin ang mga nangyari sa Senado nitong mga nakaraang linggo.

May agawan sa liderato, bangayan sa plenaryo, tulakan at sigawan. May mga memorandum na magkakasalungat. Ang mga staff mismo ng Senado, hindi alam kung sino ang susundin. Para bang mas naging importante kung sino ang mananalo sa labanan ng mga kampo kaysa kung paano makakagalaw ang Senado bilang institusyon.

Sa gitna ng mga kaganapang ito, marami ang nagtataka kung bakit nagpakita si Senador Chiz Escudero sa plenaryo.

Pero kailangan nating malaman na kung hindi dahil sa kanya, hindi makakapagsesyon muli ang Senado. Mismo!

Sa mga nagbabanggaang kampo, traydor daw siya. Pero hindi kampo ang nasa isip ni Chiz. “Paano makakagalaw muli ang Senado?”, ‘yan ang nasa isip niya.

Sa kanyang podcast na “Chiz Whiz” na umere nitong Linggo, eto ang sinabi ni Chiz: “Nagpasya ako na itigil na ‘yong kawalan ng sesyon sa Senado. Nagpasya ako na hindi pwede magpatuloy na walang sesyon ang Senado dahil nakasaad din sa Saligang Batas, hindi pwedeng mag-adjourn ang Senado nang sosobra sa tatlong araw nang hindi nagpapaalam sa kabilang Kamara.”

Mahirap kontrahin ang argumentong ito. Paano magagawa ng Senado ang tungkulin nito kung walang katiyakan kung magkakasesyon ba o hindi? Paano uusad ang mga nakabinbing panukala kung patuloy na walang presiding officer? Aantayin pa bang lumabag sa batas ang Senado bago manindigan sa tama?

Sa gitna ng mga bangayan, siguro ang iba diyan ay nakalimutan na may trabaho paring kailangan gampanan. Labas dito ang usapin ng pagkakaibigan. Walang kinikilalang mga kampo ang taumbayan, lalo na kung ang kanilang araw-araw na pamumuhay ang malalagay sa alanganin dahil lang sa mga bagay na wala naman silang kinalaman.

Hindi man sumang-ayon ang lahat sa naging pasya ni Chiz, mahirap itanggi na naging daan ang kanyang pag-attend sa plenaryo upang magkaroon ng kaayusan ang Senado, at magampanan ng mga senador ang kanilang mga trabaho.

Nakita ni Chiz na unti-unting napaparalisa ang institusyong kanyang kinabibilangan. At sapat na dahilan na iyon para siya’y kumilos.

Siguro nasanay na tayong tingnan ang bawat galaw ng isang pulitiko bilang paghahanda para sa susunod na eleksyon. Bawat kilos, may kulay. Bawat desisyon, may kapalit. Kapag may ginawa ka, kakampi ka agad ng isang panig. Kapag hindi ka sumunod, taksil ka agad sa kabilang panig. Alam ito ni Chiz, pero nanaig ang kanyang pagnanais na mabuksan muli ang sesyon.

“S’yempre concern ‘yon, pero hindi ka naman din pwedeng matakot do’n at gumawa base sa takot,” ang sabi ni Chiz tungkol sa maaaring sabihin ng ilan sa kanyang desisyon.

“Ginagawa ko lamang ang tingin kong tama, anuman ang paksyon o grupo na kinabibilangan, anuman ang pagkakaibigan na meron o wala sa isa o magkabilang pangkat.”

May mga pagkakataon na hindi sapat ang lente ng pulitika para maintindihan ang isang sitwasyon. Minsan, simple lang ang sagot. Inisip ni Chiz kung ano ang mabuti para sa institusyon kahit alam niyang may magagalit.

“Hindi ako nagkulang sa pakikipag-usap sa mga kasamahan ko sa Senado sa magkabilang panig na dapat ganito, huwag gamitin ‘to, hindi tama ‘to, hindi na tama ‘yong ganito,” dagdag pa ni Chiz.

“Iba ‘yong kaisipan ng iba. So, kailangan kong tayuan kung ano man ang paniniwala ko. Kailangan kong gawin kung anong tingin kong tama at nararapat. Hindi para sa sarili ko. Hindi para sa isang pangkat o grupo. Pero para sa Senado na bilang isang institusyon. Tungkulin na ‘yong pinag-uusapan. Para sa akin, hindi na kulay sa pulitika pagkampi sa isa o kabilang grupo.”

Mawala at lilitaw ang mga paksyon. Lilipas ang panahon ng mga Senate President. Lilipas ang mga away sa pulitika.

Pero ang Senado ay isang institusyong mananatiling bahagi ng ating demokrasya. Kahit sinumang mambabatas, ano mang kampo ang kinabibilangan mo, ang kapakanan ng institusyong sinumpaang paglingkuran ang dapat manaig.

Alam ito ni Chiz kaya’t nagpasya siyang magpatuloy na maglingkod. That’s it!