Advertisers

Advertisers

“Bilis Kilos 2.0”: PLM, may P301M ayuda sa ilalim ni Isko

0 12

Advertisers

Ipinagkaloob ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang P62.5 milyong subsidiya sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) nitong Martes, Hunyo 9, bilang pondo para sa ikalawang quarter ng unibersidad sa taong 2026.
Kasama ni Moreno sa turnover ceremony si Vice Mayor Chi Atienza bilang pagpapakita ng suporta ng pamunuan ng lungsod sa patuloy na pagpapalakas ng edukasyon sa kabisera.
Tinanggap ni PLM President Atty. Domingo “Sonny” Reyes Jr. ang tseke sa isinagawang seremonya.
Dahil sa pinakahuling ayuda, umabot na sa kabuuang P301.25 milyon ang naipagkaloob na subsidiya ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa PLM sa unang taon ng ikalawang termino ni Moreno sa ilalim ng programang “Bilis Kilos 2.0.”
Ayon sa pamahalaang lungsod, bahagi ito ng patuloy na pagsisikap na maibalik ang regular at sapat na pondo para sa PLM matapos umanong makaranas ng kakulangan sa pondo dahil sa naantalang at hindi kumpletong subsidiya noong nakaraang administrasyon.
Bago ang unang termino ni Moreno bilang alkalde, nasa P250 milyon lamang ang taunang subsidiya ng lungsod sa PLM. Itinaas niya ito sa P360 milyon, ngunit bumaba umano sa P210 milyon sa ilalim ng sumunod na administrasyon.
Noong Pebrero 2026, sinimulan ang konstruksyon ng PLM College of Allied Health Sciences Building sa loob ng Ospital ng Maynila Medical Center complex. Ang proyekto ay sinuportahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr..
Ayon kay Moreno, makatutulong ang bagong gusali upang mapalawak ang hospital-based training ng mga doktor, nars at iba pang health professionals, habang inaasahang tataas ang kapasidad ng PLM mula 300 estudyante kada taon tungo sa 5,000.
Kilala ang PLM sa mahusay nitong rekord sa mga licensure examination. Patuloy na kabilang sa mga nangunguna sa bansa ang College of Medicine nito, habang ang mga programang Nursing at Physical Therapy ay nakapagtatala ng halos perpekto hanggang perpektong passing rates at maraming topnotchers sa mga pambansang pagsusulit.
Pinagtibay naman nina Moreno at Atienza ang kanilang suporta sa PLM at sa iba pang programang pang-edukasyon ng lungsod upang matiyak na patuloy na makatatanggap ng de-kalidad at abot-kayang edukasyon ang mga kabataang Manileño. (BP)