Advertisers
TALSIK na sa WTA 500 HSBC Championships si Filipino Alexandra Eala matapos matalo ng 2-6, 2-6 sa sixth seed American Iva Jovic sa ikalawang round Miyerkules ng gabi (oras sa Pilipinas) sa The Queen’s Club sa London.
Tinalo ng 21-taong-gulang na si Eala ang Chinese na si Zhang Shuai, 6-3, 6-2, sa unang round.
Hindi niya naipagpatuloy ang magandang takbo laban kay Jovic, na ngayon ay may 2-0 record laban sa Pilipinang bituin, na tinalo niya sa unang round, 6-4, 6-2, sa French Open.
Ang No. 19 sa mundo na si Jovic, na nakarating sa quarterfinals sa Australian Open ngayong taon, ay haharap sa mananalo sa pagitan ng ikalawang seed na si Amanda Anisimova at ng Aleman na si Laura Siegemund.
Umangat si Eala sa World No. 33 mula No. 37 nang manalo siya sa Birmingham Open nakaraang linggo. Ito ang kanyang unang titulo sa grass court at ikalawang WTA 125 crown pagkatapos ng 2025 Guadalajara Open sa Mexico.
Noong Disyembre ng nakaraang taon, nakuha niya ang gintong medalya sa Southeast Asian Games sa Thailand, ang unang panalo ng Pilipinas sa women’s singles sa loob ng 26 na taon.