Advertisers
May bagong liga nang paglalaruan ang mga 50-above na retired pros at veteran basketball legends.
Ipinakilala ang Philippine Basketball Masters Association nitong June 10 sa W9 Hotel sa Paranaque, sa pangunguna nina league president Nanette Adriano at dating PBA coach Arlene Rordriguez na tatayong commissioner.
Headline sa unang sigwada ng liga ang PBMA 50-Upper 1st Conference na sisiklab sa June 28. Tampok sa dalawang buwang torneo ang walong teams na bubuuin ng dating professional players at seasond veterans, naka-iskedyul ang mga laro tuwing Miyerkoles, Biyernes at Linggo.
I-la-livestream ang mga laro sa official Facebook page ng liga, mapapanood din ang delayed telecasts nito tuwing Sabado sa Pinoy Xtreme sa Cignal, SkyCable at higit 200 cable channels sa buong bansa.
“This launch is more than just forming an organization – it is about honoring the players who built Philippine basketball and giving them a stage to continue inspiring the public,” ani Adriano.
Nasa launch din ang mga kinatawan ng teams mula Malolos, DMC at Lancaster at ilan pang opisyales ng liga.
Maliban sa mga laro dito, nilinya rin ng PBMA ang exhibition series sa Guam (July 3-5) kasabay ng Filipino-American Friendship Day. Inaasahang bibitbitin sa Guam ng PBMA sina fan favorites Alvin Patrimonio, Johnny Abarrientos, Marlou Aquino, Rodney Santos.
I-ho-host din ng PBMA ang 10th Phil-Guam Masters Friendship Tournament sa Sept. 24-27 sa San Andres Gym.
Nakatakdang sumabak ang PBMA teams sa Guam Asian Masters Basketball Tournament sa Oct. 22-25. (BONG SON)