Advertisers
UPANG mapuksa ang mga kriminal na nagtatago sa uniporme ng ride-hailing riders o nagpapanggap na delivery rider, isinulong ng Quezon City Police District (QCPD) sa ilalim na pamumuno ni District Director, Brigadier General Randy Glenn Silvio, ang isang regulated uniform para sa lehitimong delivery riders.
Sa ginanap na 2nd Quarter Regional Peace and Order Council – National Capital Region (RPOC-NCR) nitong Hunyo 10, 2026, sa People’s Hall, Paranaque City Hall, inilahad ni Silvio ang isang komprehensibong ulat kaugnay sa mga krimen na kinasasangkutan ng mga nagkukunwaring Transport Network Vehicle Service (TNVS) riders.
Base sa rekord ng QCPD, sinasamantala ng mga kriminal ang katanyagan ng mga ride-hailing services, sa pamamagitan ng pagsusuot ng mga pekeng uniform ng TNVS at pagdadala ng mga delivery bag.
Sa estilong ito ay madaling nakakahalo ang mga kriminal sa mga komunidad, bagay na nagpapahirap sa pulisya na kilalanin at hulihin sila habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Suportado naman ni RPOC-NCR Chairperson at Muntinlupa City Mayor Rozzano Rufino Biazon ang mga alalahaning ito. Binigyang-diin ng alkalde ang agarang pangangailangan na tugunan ang isyu para sa seguridad at kaligtasan ng publiko.
Samantala, upang makatugon sa umuusbong na modus operandi, ay agad naghain ng manipestasyon si Parañaque City Mayor Edwin Olivarez na ikonsidera ang mga rekomendasyon ng QCPD na sinang-ayunan naman ng konseho.
Naniniwala ang pamunuan ng QCPD na sa pamamagitan ng pag-regulate sa mga uniform na ginagamit para sa krimen, mawawakasan na ang kanilang kakayahang magtago at mas mapapatatag ang kaligtasan ng publiko sa buong Metro Manila. (Almar Danguilan)[/vc_column_text][/vc_column][/vc_row]