Advertisers
By Anne Venancio
Bukas pa rin sa posibilidad ng pag-ibig at companionship ang veteran actor at comedian na si Roderick Paulate sa edad na 66.
Sa isang panayam na bahagi ng blog ng jewelry entrepreneur na si Charo Cordial sa kanyang pagbisita sa showroom ng Maddox Jewelry, natanong ang aktor kung may plano pa siyang magpakasal.
Aniya, hindi niya isinasara ang pinto para sa pag-ibig at nananatiling bukas sa posibilidad na makatagpo ng makakasama sa buhay. Normal lamang na maramdaman ng isang tao ang kagustuhang magkaroon ng partner na makakasama sa araw-araw, mag-aalaga, at magmamalasakit sa isa’t isa.
Dagdag pa niya, may mga pagkakataon na naiisip pa rin niya ang simpleng buhay na may taong mapagkukwentuhan at sandalan sa emosyonal na aspeto.
Aminado rin ang aktor na sa kabila ng kanyang kasikatan at pagiging entertainer, hindi palagi ang kanyang pagiging masayahin sa harap ng publiko. May mga sandali rin na siya ay napapagod at nagiging emosyonal, tulad ng isang normal na tao.
Sinabi ni Paulate na pinipili niyang manatiling positibo at patuloy na kumakapit sa kanyang pananampalataya upang manatiling matatag sa buhay.
Ipinakita rin niya ang isang diamond-studded bracelet na binili niya noon sa halagang nasa P2.9 milyon hanggang P3 milyon, na ayon kay Cordial ay maaari nang umabot sa humigit-kumulang P5 milyon ngayon.