Advertisers
By Anne Venancio
Ibinahagi ni Iwa Moto na magiging bahagi ng kanyang bridal entourage si Jodi Sta. Maria sa kanyang nalalapit na kasal sa longtime partner na si Pampi Lacson.
Sa panayam kay King of Talk Boy Abunda sa “Fast Talk,” kinumpirma ng aktres na maayos na ang relasyon nila ni Jodi sa kabila ng kanilang dating komplikadong personal na kasaysayan.
Ayon kay Iwa, hindi naging madali ang kanilang simula dahil sa mga isyung nauna nang kinasangkutan ng kanilang mga pangalan, ngunit nilinaw niya na hindi siya naging dahilan ng hiwalayan nina Jodi at Pampi.
Dagdag pa niya, dumating siya sa buhay ng kanyang partner matapos ang kanilang hiwalayan.
Isa sa mga naging dahilan ng pag-ayos ng kanilang relasyon ay ang kanilang pagkakaisa para kay Thirdy Lacson, anak nina Jodi at Pampi. Dahil dito, unti-unting nabuo ang respeto at maayos na komunikasyon sa pagitan nila.
Ayon pa kay Iwa, naging magaan na ang kanilang samahan ngayon at madalas pa umano silang magbiruan tungkol sa wedding preparations. Nauna rin niyang ipinaalam kay Jodi ang tungkol sa kanyang engagement bago ito isinapubliko.
Sinabi rin ng aktres na masaya si Jodi para sa kanilang dalawa at suportado nito ang nalalapit niyang kasal na nakatakda umano sa 2028, pagkatapos ng national elections.