Advertisers
Pare-pareho silang mahihilig sa motorsiklo. Komo retirado na sa PBA ay may oras silang mag-ride nang sama-sama sa iba’t ibang lugar. Tuloy din paglalaro nila ng mga pick-up game.
Tinagurian silang PBA Moto Club.
” 2020 pa ang barkadahan namin at enjoy lang kami, ” wika ni Rico Maierhofer, ang lider ng pangkat.
” Nagkayayaan kami ng mga kakampi ko noon sa Purefoods, Ginebra at San Miguel na pagsabayin ang playing at riding, ” dagdag ng produkto ng La Salle Green Archers.
Panauhin natin si Maierhofer pati sina Jerwin Gaco at Ryan Araña sa episode ng OKS@DWBL kahapon.
Dati sa Pinas lang sila nakakapasyal nguni’t nang lumaon naglilibot na rin sila sa ibayong dagat. Kung saan may imbitasyon at kung pwede mga sampu sa kanila ay punta sila.
Si Rico nakapanayam natin habang nasa Leeds, United Kingdom via Zoom at sina Jerwin at Ryan nakausap natin ng personal sa Dublin.
Umiikot ang PBA Moto Club sa kasalukuyan sa Europa. Kabilang sa sked nila ang UK, Ireland, Poland at The Netherlands para sa ilang exhibition game.
“Nakakatuwa na marami tayong mga kababayan ang masaya sa pagdalaw namin sa kanila, ” kwento ni Araña sa atin.
” Maganda pagtanggap sa amin dito sa kapitolyo ng Ireland,” sabi ni Jerwin na kundisyon pa rin ang katawan.
Kasama rin nila sa laro si PJ Simon na pumukol ng sangkatutak na tres may higit 50% accuracy..
***
Ayon kay Tata Selo nagaganap ang mga kontrobersya sa UAAP tulad ng pagkamatay ng dalawang player ng Ateneo dahil sa isang bagay. Masyado na ang pondo na ginagastos ng mga alumni at financier sa kani-kanilang basketball program. May mga ulat na mas mataas pa kung minsan ang budget sa mga pro team.
Mula sa recruitment ay malaki na ang ginugugol ng mga koponan. Nag-aagawan kasi sa mga promising cager.
Naku pagdating sa mga Fil-Am at mga banyaga ay mas espesyal pa.
May generous na allowance pati board and lodging sa condo. Pati pakotse pa kamo. Kung minsan may pangako pang iba sa mga magulang at mga coach.
Tapos sa training na may kasama pang trip abroad. Tulad sa PBA may bonus sa mga W lalo pa kung makamit ang korona.
Ang mga coach ay competitiive ang sahod.
Dapat magkaroon ng mahigpit na alituntunin hinggil dito. Kailangan walang sky is the limit na pera o bigtime na kasunduan.
***
Naging billiard game ang agawan ng Senate Presidency.
Race to 13 ang siguradong kokontrol ng Senado.
Ang score ngayon 12-10 pabor sa kampo ni Sen. Sherwin Gatchalian.
Isang senador na lang kulang nila upang pormal na maluklok sa pinakamataas na puwesto si Win. Ito na ang legal at ethical na SP. Wala ng habol ang iba sa posisyon sa Mataas na Kapulungan ng mambabatas mula sa Valenzuela. Sargo na!