Lacson, iginiit ‘di makakaapekto sa kanilang tungkulin bilang senator-judges ang preventive suspension
Advertisers
MARIING iginiit ni Senador Panfilo Lacson na ang posibleng preventive suspension ng mga senador na sangkot sa flood control scandal ay maaari lamang umiral sa kanilang tungkulin bilang mambabatas at hindi bilang senator-judges sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Pahayag ni Lacson, magkaiba ang Senado at ang Senate Impeachment Court kahit pareho ang kanilang komposisyon.
Aniya, kung masuspinde ang siyam na senador gaya ng inaasahan, maaaring hindi makamit ang kinakailangang 16 na boto para sa conviction at mauwi sa krisis ang paglilitis.
Lumutang ang usapin dahil sa posibilidad na hindi sapat ang bilang ng senator-judges kung sususpindehin ng Ombudsman ang hindi bababa sa siyam na senador, kaugnay ng flood control scandal. Kinakailangan kasi ng 16 na boto upang mahatulan ang isang inakusahang opisyal.
Kaugnay nito, iminungkahi ni Lacson na maaaring pansamantalang ipagpaliban ang suspensyon para sa impeachment trial o kaya’y ipagpaliban ang paglilitis hanggang matapos ang 90-araw na preventive suspension.
Dagdag pa ng senador, kung papayagan ng hukuman, maaari ring dumalo ang mga nakakulong na senador sa paglilitis habang binabantayan ng mga tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology.
Iginiit din ni Lacson na dapat sundin ang 1987 Constitution at hindi maaaring ibaba sa 12 ang kinakailangang boto para sa conviction.