Advertisers

Advertisers

Senator Villar, sinusulong ang pagpasa sa Senate Bill No. 1989 upang maprotektahan ang mga mamimili at matugunan ang laganap na ticket scalping

0 5

Advertisers

Pasay City — Muling nanawagan si Senator Mark A. Villar para sa agarang pagpasa ng Senate Bill No. 1989 o ang panukalang Anti-Ticket Scalping Act, na naglalayong protektahan ang mga mamimili laban sa mapagsamantalang pagbebenta muli ng mga tiket sa mga konsiyerto, palaro, at iba public events.

Bilang tugon sa lumalalang problema ng ticket scalping at dumaraming reklamo mula sa publiko, unang inihain ni Villar ang panukala noong ika-19 na Kongreso bilang Senate Bill No. 8273. Dahil sa patuloy na paglaganap ng naturang gawain, muli niya itong inihain sa ika-20 Kongreso bilang Senate Bill No. 1630. Kalaunan, ito ay na-substitute at isinailalim sa Committee Report No. 51 bilang Senate Bill No. 1989.

Ayon kay Villar, layunin ng panukalang batas na tugunan ang malawakang pagbili o “hoarding” ng mga tiket upang muling maibenta ang mga ito sa labis na mataas na presyo, na kadalasang nagkakait sa mga tunay na tagahanga at mamimili ng pagkakataong makabili ng tiket sa tamang halaga.

“Marami na sa ating mga kababayan ang nakaranas na maubusan ng tiket dahil binibili ito nang maramihan at muling ibinebenta sa napakataas na presyo sa online at offline markets. Hindi ito tama. Isa itong mapagsamantalang gawain na naglalagay sa mga mamimili sa alanganin at dapat nang matugunan sa pamamagitan ng batas,” ani Villar.

Isa sa mga pangunahing probisyon ng panukala ang pagbabawal sa ticket scalping, kabilang ang hindi awtorisadong muling pagbebenta ng mga tiket sa presyong lumalampas sa sampung porsiyento (10%) ng orihinal na halaga nito. Nilalayon din ng panukala na sugpuin ang mga gawaing sumisira sa integridad ng mga ticketing system, gaya ng paggamit ng mga automated software, bots, pekeng account, huwad na pagkakakilanlan, at iba pang mapanlinlang na paraan upang malusutan ang mga limitasyon sa pagbili ng tiket.

Inaatasan din ng panukalang batas ang mga event organizer, ticketing companies, at iba pang kaugnay na sektor na magpatupad ng mga mekanismo upang maiwasan ang pagho-hoard ng mga tiket at iba pang mapanlinlang. Layunin nitong matiyak na ang mga tiket ay mapupunta sa mga lehitimong mamimili o mga fans at hindi sa mga oportunistang reseller.

Upang mapigilan ang mga paglabag, nagtatakda ang Senate Bill No. 1989 ng mga kaukulang parusa laban sa mga sangkot sa ticket scalping at iba pang kaugnay na paglabag. Ang hindi awtorisadong muling pagbebenta ng tiket, mapanlinlang na pagkuha ng mga tiket, at iba pang ipinagbabawal na gawain ay maaaring patawan ng multa at pagkakakulong. May nakalaan ding parusa para sa mga gumagamit ng bots at iba pang automated technologies upang manipulahin ang bentahan ng mga tiket at malusutan ang mga umiiral na kontrol sa ticketing systems.

Binigyang-diin ni Villar na ang panukala ay hindi lamang naglalayong parusahan ang mga lumalabag kundi itaguyod din ang pagiging pata at isaayos ang pagbebenta ng ticket sa mga industriya.

“Napapanahon na ang pagkakaroon ng isang komprehensibong batas laban sa ticket scalping. Sa dami ng mga reklamong natatanggap mula sa publiko, malinaw na kailangan nating palakasin ang proteksyon para sa mga mamimili. Umaasa tayo sa agarang pagpasa ng panukalang ito upang matiyak na ang mga tiket ay napupunta sa mga tunay na tagahanga at hindi sa mga sindikatong scalper na nagsasamantala sa mga ticket buyers,” pagtatapos ni Villar.