Kontratista ‘binabraso kahit walang kinalaman sa nasunog na warehouse… BATANGAS MAYOR PINAKAKASTIGO SA DILG
Advertisers
NANAWAGAN kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang isang pribadong kontratista na aksyunan ang kanilang reklamong grave abuse of authority, oppression, misconduct in office at conduct prejudicial to the best of interest of the service laban kay Tuy, Batangas mayor Jose Jecerelle “Jey” C. Cerrado.
Sa sinumpaang reklamo na ipinadala ni Engr. Ryan Macapagat sa tanggapan ng kalihim noong Mayo 7, kasama ang ilang pulis at bodyguard, pinuntahan umano ni Cerrado ang ginagawa nilang ‘salvaging operation’ sa nasunog na warehouse ng Philippine Fiber Optic Cable Network (PFOCN) sa nasabing bayan noong isang taon.
Nagbanta pa umano si Cerrado na ipakukulong ang kanilang mga trabahador kung hindi susunod sa kanyang utos.
Ang pagbabanta umano ni Cerrado ay kaugnay sa dalawang bahay sa labas ng warehouse na nadamay sa sunog.
Ayon pa sa reklamo, nag-alok ng ‘settlement’ ang kumpanya subalit hindi nagkasundo matapos umanong makialam si Cerrado at ipilit na P13 milyon ang dapat ibayad sa kanyang ‘constituents’.
Matapos ang sunog, pumasok sa kontrata ang PFCON sa grupo ni Macapagat para sa ‘salvaging operation’ ng mga nasunog na kable, na binigyan ng permiso ng Bureau of Fire Protection (BFP) nitong Marso 6.
Anila, nakapagtataka ang sobrang interes ni Cerrado na mabayaran ng P13 milyon ang dalawa niyang kababayan at kung bakit sila ang ginigipit ng alkalde sa halip na ang Philippine Fiber Optics.
Sa kasalukuyan, patuloy umanong hindi nila mahakot ang mga sunog na kable dahil sa pagbabanta ni Cerrado kung saan nalulugi umano sila ng P80,000 bawat araw.
Ilang buwan matapos ang sunog, wala paring isinasampang reklamo ang mga nasunugan laban sa kumpanya at walang utos mula sa korte na ipatigil ang salvaging operation ni Macapagat.
Hiniling pa sa reklamo ang agarang imbestigasyon ng DILG laban kay Cerrado at maglabas ng utos na huwag pakialaman ng mayor ang kanilang ‘hauling operation’ na isang pribadong transaksyon.
Labag din umano sa batas ang panghihimasok ni Cerrado sa kawalan narin ng utos mula sa korte.