Advertisers

Advertisers

GATCHALIAN, SUSI SA PAGKAKAISA NG SENADO – SANDRO

0 10

Advertisers

MALUGOD na binati ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos ng Ilocos Norte ang pagkakahalal ni Senador Sherwin Gatchalian bilang Senate President, sinabing magbibigay-daan na ito upang malampasan ng Senado ang sigalot sa liderato at muling makapagpokus sa mga nakabinbing trabaho.

“Sa ngalan ng Kamara, nais naming batiin si Senate President Sherwin Gatchalian. Inaasahan namin ang maayos na pakikipagtulungan sa kanya,” ani Marcos.

Ayon sa lider ng Kamara, pagkakataon ang pagkakahalal ni Gatchalian para sa Senado na makaahon mula sa ilang linggong tensiyon sa loob ng institusyon na nakaapekto sa kanilang trabaho.

Sinabi niya na ang ugali at istilo ng pamumuno ng bagong Senate President, angkop upang maibalik ang katatagan at pokus sa Senado.

“Nakatrabaho ko na siya at alam kong napakakalmado at mahinahon niyang magpasya. Sa tingin ko, iyon mismo ang kailangan ng kasalukuyang klima sa pulitika, lalo na sa Senado—ang pagiging mahinahon at ang pangangailangang makabalik tayong lahat sa trabaho,” ani Marcos.

Binanggit din ng Majority Leader na marami pang kailangang aksiyunan ng Kongreso sa panahon ng espesyal na sesyon na ipinatawag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kahit na naipasa na ng Kamara ang marami sa mga prayoridad na panukala ng administrasyon.

Aniya, hinihintay pa ng Kamara ang ratipikasyon ng ilang bicameral conference committee reports, habang inaasahan ding tatalakayin ng Commission on Appointments ang mga nakabinbing promosyon at pagtatalaga, kabilang ang mga matataas na opisyal ng militar.

“Nakapasa na kami ng ilang resolusyon. Hinihintay namin ang ratipikasyon ng ilang bicam reports at, siyempre, ang pagtalakay at pagkumpirma ng Commission on Appointments sa mga nakabinbing usapin na may kinalaman sa Armed Forces of the Philippines,” dagdag ni Rep. Sandro.

Ayon pa kay Marcos, naantala ang pagkumpirma sa promosyon ng ilang opisyal ng militar dahil sa tunggalian sa liderato ng Senado.

“Sa paniniwala ko, pito o walong heneral ang dapat na sanang na-promote nguni’t hindi nakumpirma dahil sa naging agawan sa liderato sa Senado. Iyan ang hinihintay natin ngayon,” aniya.

Pormal na nanungkulan si Gatchalian bilang Senate President matapos ang ilang linggong tunggalian sa liderato na naging sanhi ng halos pagkatigil ng maraming gawain ng Senado.