Advertisers
NASAKOTE ng mga awtoridad ang apat na hinihinalang fixer sa isang entrapment operation na isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng LTO Calabarzon, CIDG Laguna Provincial Field Unit, at Laguna Police Provincial Office sa Biñan City, Laguna.
Ayon sa nakarating na report sa opisina ni LTO Calabarzon Regional Director Elmer J. Decena, naaresto ang mga suspek matapos umanong mag-alok ng iligal na serbisyo para sa pagproseso ng renewal ng driver’s license sa isang pulis na nagpanggap na poseur client kapalit ng bayad. Ayon sa ulat, isang police poseur client ang nakipagtransaksyon sa mga suspek bago sila inaresto matapos tanggapin ang marked money at boodle money.
Nasamsam sa operasyon ang mga ginamit na marked money, boodle money, mga kopya ng LTO Official Receipt, at Temporary Operator’s Permit (TOP) na gagamiting ebidensya sa kaso.
Sinabi naman ni Regional Director Elmer J. Decena na patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa mga fixer upang mapanatili ang integridad at transparency ng serbisyo publiko.
Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Section 21(h) ng Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018. Nanawagan din ang LTO sa publiko na iwasang makipagtransaksyo sa mga fixer at dumaan lamang sa mga opisyal na proseso sa pagkuha at pag-renew ng driver’s license.(Koi Laura)