Advertisers
Mariing pinabulaanan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro ang pahayag ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte na umano’y ginagamit ng administrasyong Marcos bilang “political weapon” ang mga warrant ng International Criminal Court (ICC).
Ito’y matapos igiit ni Duterte na ang pamahalaan umano ang nasa likod ng mga nakabinbin at posibleng susunod pang pag-aresto ng ICC laban sa kanilang pamilya at mga kaalyado kaugnay ng kampanya kontra-droga ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Castro, walang katotohanan ang naturang alegasyon at walang kinalaman ang pamahalaan sa mga hakbang na isinasagawa ng ICC.
Binigyang-diin pa ni Castro na ang mga proseso ng international tribunal ay hiwalay at hindi kontrolado ng administrasyon.
Sinabi rin ng opisyal na hindi dapat gamitin ang usapin para sa pulitika at nananatiling nakatuon ang pamahalaan sa pagpapatupad ng batas at pagtiyak na mananaig ang due process sa anumang kaso. (Gilbert Perdez)