Advertisers
NARINDI na si Atty. Levi Baligod sa pag-ulan ng libel cases laban sa kanya at sa 18 “Maleta Boys” nila nina ex-Congressman Mike Defensor at Senador Rodante Marcoleta.
Oo! Nakikiusap ngayon si Baligod sa Department of Justice (DoJ) na ibasura na ang mga kasong cyber libel laban sa kanila. Ang rason: ang naturang mga kaso ay under investigation na raw ng Office of the Ombudsman.
Sigurado ako, hindi papayag ang mga personalidad at politikong nagsampa ng reklamo na basta nalang ito ibasura matapos silang babuyin nina Baligod. Peks man!
Talagang maririndi si Baligod sa mga kasong isinampa laban sa kanila sa tatlong sulok ng Pilipinas: Luzon, Visayas at Mindanao.
Una, ang pagbiyahe sa naturang mga lugar para panumpaan sa harap ng Fiscal ang counter affidavit ay aksaya ng oras at magastos, bagamat puede rin naman itong panumpaan sa state prosecutor ng DoJ.
Pangalawa, malamang sa alamang ‘guilty’ ang magiging resolution sa kanilang mga kaso. Dahil halatang-halata na tahi-tahi lang ang kuwento ng maleta at dinuktor ang mga picture na kanilang ipinakikita sa social media at sa mga press conference nila.
Kaya nga binawi nila ang mga akusasyon kina Senator Kiko at Sharon Cuneta, pati kay Congresswonan Liela de Lima matapos maglabas ng ebidensiya ang mga inakusahang ito na bumali sa akusasyon nila.
Sa ginawa nalang nilang dagdag-bawas sa listahan ng mga senador na tumanggap ng maleta ay naging katawa-tawa na sila.
Inalis nila sa nauna nilang listahan si Sen. Loren Legarda matapos kumampi sa kanila ang huli, at biglang idiniin sa maleta list sina Sen. Chiz Escudero at Sen. Joel Villanueva nang bumaligtad ng suporta sa kanila.
Ang isa pang rason kaya pinababasura nila Baligod sa DoJ ang libel cases ay dahil mahal ang piyansa per count. P30K sa Libel at P40K sa Cyberlibel.
May isinampa pa yata na reklamong perjury laban sa kanila.
Kunsabagay sisiw kay Defensor ang mga halagang ito ng piyansa.
Sa tingin ko, hindi ibabasura ng DoJ ang hirit ni Baligod.
Subaybayan!