Advertisers
Hindi dagli na nagbabago sa payak na asal dahil sa kagalingan at pagsisikap. Ganap ang saya sa nakitang tagumpay ng karaniwang politikong minsang tumayo sa kagalingan ng bayan minsan sa kanyang buhay. Walang takot na hinarap ang malalaking ngalan sa politika sa nakaraan na sangkalan sa narating at inaani sa kasalukuyan. Lumago ang mga binhing inihasik sa pitak ng kagalingan at nang dumating ang panahon sa pag-aani, sumabay ang pagpapalit ng gawi ang politikong minsang hinangaan. Sa pag-inog ng panahon dumami ang nakaulyaw, kaibigan at tila nakalimot sa gawa ang idolong politiko na lumikong pakabila ng ‘di mawala ang karangyaan na tinatamasa. Sa pagliko, nawala ang paghanga at napalitan ng pagdududa na gagawin ang lahat upang mapanatili ang kasarapan sa buhay na dama sa kaibuturan ng puso. Ang masakit, inilibing sa limot ang pinagmulan dahil sa pangarap na kahibla ang layo at makakamtan.
Tunay na nakakalason ang tagumpay na nakamtan higit pumasok sa ulo at ‘di sa puso ang kagalingan nakamtan. Sa nakamit na tagumpay, dumami ang kaibigan mula sa mga walang ngalan tungo sa mga tinitingala sa lipunan. Sa pakikisalamuha sa mga tao sa pedestal, unti-unting nalimot ang pinagmulan at ang pinaghugutan ng galing. Dahil sa mga bagong kaulayaw, lumisan ang mga nagmamahal at mga tunay na kaibigan na bumaka sa pagkamit sa pedestal sa nakamtan sa kasalukuyan. Ang dating batang nasilip ang paglaki na may dignidad, tila lumayo at isantabi ang nakaraan upang makamit ang pangarap sa kinabukasan. Sa paglimot sa nakakarami ang landas na gawa ng higit na makilala sa lipunan. Sumayaw sa saliw ng may kaya sa buhay at ng mga sumunod na pagkakataon nasilip na ‘di na iba sa baong kaharap o kaibigan.
Ang kagalingan sa kasalukuyan ang susi at hagdan sa pagakyat sa kinabukasan sa larangang pinasukan. Sa usapin ng paglilitis na ginagawa sa hukom-senado sa kasalukuyan, hindi ganap na ang nililitis ang dapat bigyan pansin dahil oras na magpasya ang hukom-senado ang pagkagapi’y ang tiyak sa nasasakdal. Walang duda ang salang gawa ng nililitis ngunit ang kilos at galaw ng mga hukom-senado higit ng tagapagpadaloy o “presiding officer” ang mataan dahil ‘di maitatanggi ang pagkiling sa nililitis. Sa totoo lang, sa unang sigwa ng pagpasok ng reklamo laban kay Inday Salakay bago maging SP si Win, silip na walang lugar ang usapin, pasalamat at nahimasmasan ang nakakaraming senador, na tubig sa ilalim ng tulay. Muli, maraming pagtatangka na hinarang ang pag-akyat ng usapin sa hapag ng bugok na kapulungan at isa si Keso sa mga pasimuno sa banggit na panghaharang sa nakaraan. At kumakatok sa diwa ng mga hukom-senador, mag-ingat sa tagapagpadaloy sa usaping na nasa harap at huwag sakyan ang galing sa batas ng nakaupo sa itaas at baka kayo mabutasan.
Sa nakaraan lingo, silip ang salang kilos ng tagapagpadaloy dahil sa pagka-andap sa alkaldeng saksi. Walang layon na pulaan ang PO ngunit silip ang pagiging mapagbigay sa alkaldeng saksi na nagawang mandaliri sa nagtatanong na taga-usig. Hindi napuna o sadyang ‘di ibig sitahin ang salang galawan ng panauhin na naging kampante sa harap ng taga-usig, sa hukom-senador at sa mata ng bayan. Sa pagbaba ng panauhin sa hukom-senado, kagyat ang paglabas ng maraming PR sa social media ng kahusayan kuno ng panauhin at ibig isabak sa higit na mataas na pwesto sa pamahalaan. Muli, hindi ang galaw ng kaTimugan nais bigyan pansin, ang salang gawa ni Keso na rendahan ang klos ni teBats.
Sa pagpapabaya ni Keso, nagmukhang Teatro ang hukom-senado sa postura ng kabastusan ng kaTimugan na namalas ng bayan. Ang masakit, kagyat ang paglabas ng mga bayarang trolls sa social media at banggit ang kagalingan kuno ng bastos na alkalde. Sa katunayan, ang pagpapabaya ni Keso ang susi sa inilabas na kagalingan kuno ng panauhin sa pagdinig sa hukom-senado ng trolls ng kaTimugan. Namalas ni Mang Juan ang kaganapan at iisa ang pumasok sa isip ng mama, handa kuno ang alkalde sa higit na mataas na pwesto sakaling ‘di maibigan ng ina ni Andy Lim. Sa banggit na pagtutulak sa alkalde silip ang kamay si Keso sa dagling paglabas ng trolls ng kaTimugan sa dahilang ‘di pagsita sa galaw ng panauhin na yabang at kabastusan ang postura. Dahil nasunod ang tala sa iskrip, higit na naging palalo ang kaTimugan at naging mabango ang keso sa kaTimugan.
Sa paglipas ng mga araw, maraming pula ang tumambad sa hukom-sehnado dahil sa nasilip na kawalang respeto sa institusyon ng alklade mula sa kaTimugan. Ang pulang nakamtan ng hukom-senado’y ganap na dapat ihain sa tagapagpadaloy dahil hinayaan ang saksi mula sa kaTimugan sa mga postura ng kabstusan na nasilip social media ng bayan. Hindi nakitaan ng kagndahang asal o GMRC ang alkalde na kinunsinte ni Keso na nagpababa sa imahe ng kapulungan sa kasalukuyan. Walang kabatiran sa dahilan ang PO sa pagluwag sa pagpapadaloy higit sa postura ng panauhin na alkalde. O’ sadyang tumalima sa iskrip na inihanda ng kaTimugan ang PO sa paghahanda sa kinabukasan sa pagbalik ng kaTimugan. At pasalamat sa kaalaman sa batas, na ginawang sandata upang kahit sa maiksing panahon, tinitingala sa bansa.
Sa naganap o nagaganap sa hukom-senado silip ni Mang Juan na wala sa larawan ang tulad niyang karaniwang tao sa usaping tinatalakay. Malinaw na ang kapangyarihan at salapi ang sangkalan sa paglalabas ng katotohanan at wala sa larawan ang interes ng tao sa laylayan. Subalit sa huli, ang bigat ng tustusin sa pagdinig ay nakapatong sa balikat ng bayan. Hindi mawala sa isip ni Mang Juan na dulo ng pagdinig, ang sari-sariling pakinabang ang ibig ng mga magpapasya. Walang banggit sa salang gawa ngunit ang maproteksyunan ang negosyo’y ang tindig na ilalabas sa hinaharap. Habang sa iba, madali ang lumiko at pumakabila ng ‘di panagutin sa salang gawa.
Sa huli, walang hanggang kasakiman ng tagapagpadaloy na sumasayaw sa saliw ng masalapi at pagnanasa sa pwestong pangarap. Walang dahilan na magpakatigas sa pakinabang na nasa harap at hayahay na buhay. Walang matigas na pandesal sa mainit na kape ngunit ang mag-ingat higit ang mga hukom-senador sa Kesong walang budhi ng ‘di masama sa libakan sa hinaharap.
Maraming salamat po!!!!