Advertisers

Advertisers

Ang dapat na Presiding Officer sa ‘Impeach Sara’

0 18

Advertisers

SHOCK ang marami sa napipintong pagtalaga ng Senate majority kay dating Senate President Francis “Chiz” Escudero bilang Presiding Officer ng impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. May mga kampo na nagsasabing bias siya dahil sa mga nangyari noong 2025 nang siya ang nakaupo pa bilang SP.

Sa kabila ng mga ingay sa social media at sa mga grupong may kanya-kanyang agenda, mayroon ding mga totoong eksperto na tahimik na nagbibigay ng mas balanseng pananaw.

Isa na rito si UP College of Law Associate Dean at Assistant Professor Paolo Tamase. Kung pakikinggan ang kanyang mga paliwanag, marami sa mga naratibong umiikot ang tila hindi tumatayo sa masusing pagsusuri.

Unahin natin ang pinakamadalas na ibato kay Escudero, na siya raw ang dahilan kung bakit hindi agad umusad ang impeachment proceedings noong nakaraang taon.

Ayon kay Prof. Tamase, nakakalimutan ng marami na ang pagbabalik o pag-remand ng Articles of Impeachment sa Congress ay hindi nagmula kay Escudero. Ang mungkahi ay unang inihain ni Senator Alan Peter Cayetano.

“So in the sense na sinuportahan siya nung mayorya, walang choice ‘yung Senate President to go with it, at the time, si Senator Escudero,” paliwanag ni Prof. Tamase.

Sa madaling salita, hindi ito desisyon ng isang tao kundi ng buong institusyon. Mismo!

Mahalagang paalala iyon. Minsan kasi, para bang ipinapakita ng ilan na ang Senate President ay may kapangyarihang magdikta ng lahat ng mangyayari sa Senado. Hindi ganoon ang sistema natin. Hindi hari ang Senate President. Hindi siya diktador. At lalong hindi siya may-ari ng institusyon.

Nabigyang-katuwiran din ni Prof. Tamase ang kontrobersya ng salitang “forthwith”.

“I think nandoon ako sa strong view na parang dapat magpatuloy ‘yan kahit walang session, but may mga akademiko talaga na naniniwala na hindi ‘yan pwedeng gawin ng Senado habang naka-recess sila,” ang sabi ng propesor.

Ang debate noon, maging sa ngayon, ay hindi simpleng usapin ng tama at mali. Isa itong legitimate constitutional question na pinagtatalunan maging ng mga eksperto sa batas.

Nakapagtataka nga kung bakit hanggang ngayon ay may mga nagpipilit na gawing simpleng kwento ng “delay” o “panghaharang” ang isang komplikadong legal na usapin. Ito ay kahit mismong Supreme Court na ang nagsabing hindi ibig sabihin ng “forthwith” ay agad-agad.

Marahil ang pinakamahalagang obserbasyon ni Prof. Tamase ay ang kahalagahan ng pagkakaroon ng abogado bilang Presiding Officer. Simple lang ang kanyang punto. Nakakatulong kung ang namumuno ay may malalim na pagkaunawa sa batas.

At mahirap namang tutulan iyon. Ang impeachment ay hindi political rally. Hindi ito social media debate. Isa itong legal na proseso na may rules of evidence, procedural objections, constitutional questions, at mga ruling na kailangang gawin sa mismong oras na lumilitaw ang mga ito.

“Nakakatulong ‘yun kasi ‘yung abogado kahit papaano may sense siya kung ano ‘yung procedurally correct, (and) ano ‘yung procedurally incorrect,” ang sabi pa ni Prof. Tamase.

“Sa ganitong sitwasyon, natural lamang na mas may kumpiyansa ang marami sa isang taong may legal na background at mahabang karanasan sa paggawa at pag-interpret ng batas.”

At kung may pangamba naman na baka maging masyadong mahigpit o masyadong maluwag si Escudero sa impeachment proceedings, may sagot din si Prof. Tamase.

Nariyan aniya ang Senado mismo. Nariyan ang mayorya ng senator-judges. Hindi hawak ng Presiding Officer ang buong proseso. Hindi siya maaaring magdikta ng magiging resulta ng paglilitis. Ang Senado pa rin ang may huling salita. Mismo!