Advertisers
DUMATING si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Vancouver noong Miyerkules (oras sa Canada) para sa isang opisyal na pagbisita sa bansa.
Lumapag sa Vancouver International Airport ang eroplanong lulan ang Pangulo at ang kanyang delegasyon ganap na 4:46 n.h. nitong Miyerkules, oras sa Canada (7:46 n.u. ng Huwebes, oras sa Pilipinas).
Kabilang sa mga sumalubong kay Pangulong Marcos ay sina Philippine Ambassador to Canada Jose Victor Chan-Gonzaga, Consul General Gina Jamoralin, at Defense Attaché sa Washington na si BGen. Ray Anthony Derillo.
Nakatakdang makipagpulong si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga negosyante at mamumuhunan sa Canada sa kanyang opisyal na pagbisita mula Hulyo 1 hanggang 4, 2026.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kabilang sa mga sektor na lalahok sa mga pagpupulong ang pagmimina, information technology (IT), business process management (BPM), telekomunikasyon, nuclear energy at serbisyong pinansyal.
Inaasahan ding malalagdaan ang mga kasunduan sa enerhiya, likas na yaman, kalakalan at pamumuhunan, paggawa at imigrasyon, turismo, at kultura.
Makikipagpulong din si Marcos kay Canadian Prime Minister Mark Carney upang palalimin ang ugnayan ng Pilipinas at Canada, kabilang ang kooperasyon sa depensa, seguridad, kalakalan, pamumuhunan, enerhiya at mahahalagang mineral.
Kasama rin ng Pangulo si First Lady Louise Araneta-Marcos sa pakikipagkita sa komunidad ng mga Pilipino sa Vancouver, British Columbia. (Vanz Fernandez)