Advertisers
Mabigat ang naging pananaw at paninindigan ni Congressman Toby Tiangco sa nagaganap na pagaresto kay Senator Rodante Marcoleta, kung may ebidensya, dapat managot ang sinuman—kaalyado man o kalaban sa pulitika. Ang hustisya ay dapat patas at walang pinipili.
Kung kayang magsampa ng kasong plunder laban kay Senator Rodante Marcoleta sa loob ng maikling panahon, dapat madaliin na din ang kaso laban kay dating Speaker Martin Romualdez, na itinuturong pangunahing utak sa umano’y pinakamalaking katiwalian sa mga proyektong pang-imprastraktura sa kasaysayan ng ating bansa.
Sabi nga, what’s sauce for the goose is sauce for the gander. Wag nating payagan mag hinala ang ating mga kababayan na iba ang sukatan kapag kalaban sa pulitika at iba rin kapag kaalyado.
Ang tanong ng taumbayan: Kung si Senator Marcoleta ay bahagi ng mayorya, ganoon din kaya kabilis ang pagsasampa ng kaso laban sa kanya?
Kung nais ng gobyerno na patunayang walang halong pulitika ang mga kasong ito, dapat ay nauna o kasabay na papanagutin ang mga malalaking personalidad na sangkot sa mas malalaking alegasyon ng korapsyon.
Huwag lamang ang mga kalaban sa pulitika ang napipiliang kasuhan. Ang korapsyon ay pagnanakaw ng perang dapat ay serbisyo at proyekto para sa taong bayan. Kung talagang walang kinalamin ang administrasyon sa mga katiwaliang ito, dapat mas porsigido din ang administrasyon na makasuhan ng plunder sa lalong madalang panahon ang mga kakamping pinagsamantalahan ang pagiging malapit sa administrayson para nakawan ang mga mamamayan.
Ang laban kontra korapsyon ay hindi dapat ginagamit bilang sandata laban sa mga kalaban sa pulitika. Dapat itong gamitin laban sa lahat ng tiwali—lalo na sa mga tunay na “big fish” at “master mind.” Dapat managot ang tunay na may pakana at “mastermind” ng pinaka malaking korapsyon sa kasaysayan ng ating bansa at lalong dapat mabalik ang pera ng taong bayan.
Dapat ipakitang hindi takot sa banta ni Martin Romualdez na “I will not go down alone.” Hihintayin natin kung gagawin ito ng administrasyon. (Cesar Barquilla)