Advertisers

Advertisers

3 ex-chief justices nagbigay-linaw… 16 BOTO KAY VP SARA PUEDE MAGBAGO!

0 5

Advertisers

Hindi umano nakapirmi ang 16 boto na kasalukuyang kailangan para mahatulan si Vice President Sara Z. Duterte, ayon sa tatlong retiradong punong mahistrado na humarap sa Senate impeachment court nitong Miyerkules.

Samantala, iginiit naman ni retiradong Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna na kailangang bilangin ang lahat ng 24 senador sa pagkukuwenta ng constitutionally required na two-thirds vote.

Magkakaiba man ang constitutional approaches nina dating Chief Justices Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban at Reynato Puno, nagkasundo ang tatlo na maaaring magbago ang bilang ng kinakailangang boto para sa conviction depende sa kung sinu-sino sa mga senador ang legal na dapat isama sa pagkukuwenta.

Taliwas dito, sinabi ni Azcuna na dapat “fixed, not variable” ang threshold at lahat ng nakaupong senador ay dapat manatiling bahagi ng denominator.

Inimbitahan ang apat na dating mahistrado bilang amici curiae, o “mga kaibigan ng hukuman,” habang muling sinusuri ng mga senator-judge ang naunang ruling ni Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero na kailangan ang 16 boto, o two-thirds ng buong 24-member Senate, upang mahatulan si Duterte.

Hiniling ng impeachment court sa mga dating mahistrado na talakayin kung sino ang dapat isama sa “all the Members of the Senate” sa pagkukuwenta ng two-thirds vote; kung naaangkop ang 1949 Supreme Court ruling sa Avelino v. Cuenco sa pagtukoy kung sino ang dapat bilangin; at kung maaari pa ring bumoto sa huling desisyon ang isang senator-judge na hindi dumalo o hindi aktibong nakilahok sa paglilitis.

Si Davide, na nagsumite ng memorandum matapos hindi personal na makadalo, ay nagsabing dapat ibatay ang denominator sa mga senador na kwalipikadong bumoto at hindi awtomatikong sa buong 24-member Senate.

Ayon kay Davide, hindi dapat isama sa pagkukuwenta ang mga senador na nagbitiw o napatalsik, incapacitated, nasa labas ng hurisdiksiyon ng Pilipinas o hindi matukoy ang kinaroroonan, gayundin ang mga legal na napipigilang gampanan ang kanilang mga tungkulin.

Kinilala naman ni Panganiban na mathematically ay 16 ang two-thirds ng constitutionally prescribed na 24-member Senate. Gayunman, sinabi niyang hindi nangangahulugang palaging 16 ang kinakailangang boto sa lahat ng pagkakataon.

Aniya, 24 multiplied by two-thirds ay 16 sa abstract, pero hindi palaging ganoon sa aktuwal na sitwasyon.

Ipinaliwanag ni Panganiban na maaaring magbago ang denominator depende sa mga pangyayari at hindi maaaring laging bawasan sa simpleng arithmetic ang constitutional duty ng Senado.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng aktibong partisipasyon ng mga senator-judge. Kinuwestiyon niya kung dapat pa ring bumoto ang mga senador na nasa ibang bansa, nagtatago, nakakulong, may sakit o nasa ospital at hindi nakapagsuri ng ebidensiya o nakapakinig sa testimonya.

Samantala, sinabi ni Puno na kung literal na bibigyang-kahulugan ang Konstitusyon, magiging “fixed and immutable” ang 16-vote threshold, ngunit hindi umano ito ang kinakailangang ibig sabihin ng Saligang Batas.

Napansin ni Puno na fraction na two-thirds ang ginamit ng Konstitusyon at hindi isang tahasang absolute number ng mga boto.

Dahil dito, sinabi niyang maaaring gumalaw ang bilang ng boto na kailangan para sa conviction depende sa ilang salik.

Iminungkahi ni Puno ang tinawag niyang “contextual and functional” na interpretasyon, kung saan maaaring isaalang-alang ng impeachment court ang mga sitwasyong legal na pumipigil sa isang senador na gampanan ang kanyang tungkulin.

Sa ganitong paraan, maaaring matukoy ng impeachment court kung dapat pa ring isama sa denominator ang mga senador na namatay, nagbitiw, napatalsik o legal na incapacitated.

Samantala, nanindigan si Azcuna na iba ang dapat na pagbasa sa constitutional provision.

Ayon sa kanya, ang pariralang “all the Members of the Senate” ay tumutukoy sa buong membership ng Senado.

Sinabi ni Azcuna na hangga’t miyembro ng Senado ang isang senador, dapat itong isama sa denominator sa pagkukuwenta ng two-thirds vote dahil “all means all.”

Iginiit niya na ang pagpapabago-bago sa denominator batay sa aktuwal na partisipasyon ng mga senador ay maaaring magpahina sa supermajority safeguard na nakapaloob sa impeachment process.

Aniya, dapat “fixed, not variable” ang threshold at dapat itong matukoy mula pa lamang sa simula.

Ipinaliwanag ni Azcuna na ang two-thirds requirement ay nilikha upang mangailangan ng malawak na suporta mula sa iba’t ibang panig ng Senado para sa conviction at hindi upang payagan ang isang pansamantalang legislative majority na basta-basta magpatalsik ng isang impeachable official.

Nagkaiba rin ang pananaw ng mga amici curiae sa kahalagahan ng Avelino v. Cuenco, isang 1949 Supreme Court case na may kaugnayan sa Senate quorum at sa isang miyembro na nasa labas ng coercive jurisdiction ng Senado.

Ayon kay Davide, hindi direktang naaangkop ang Avelino sa impeachment, ngunit maaari itong magsilbing gabay sa pamamagitan ng analogy.

Sinabi naman ni Puno na hindi ito isang “perfect precedent,” ngunit maaaring isaalang-alang ang naging pagtrato sa isang senador na nasa labas ng coercive jurisdiction ng Senado.

Para kay Azcuna, hindi naaangkop ang nasabing kaso dahil tungkol ito sa constitutional requirement para sa quorum at hindi sa two-thirds vote na kailangan para sa impeachment conviction.

Nagkaiba rin ang apat na dating mahistrado sa usapin kung maaari pa ring bumoto sa final decision ang mga senator-judge na hindi dumalo o hindi aktibong nakilahok sa mga paglilitis.

Binigyang-diin ni Panganiban ang aktibong partisipasyon at independiyenteng pagsusuri sa mga ebidensiya. Samantala, sinabi nina Puno at Azcuna na maaaring suriin ng senator-judges ang ebidensiya sa pamamagitan ng trial record kahit hindi nila personal na nasaksihan ang bawat testigo.

Ayon kay Davide, ang isang senator-judge na hindi kailanman dumalo o nagsagawa ng anumang tungkulin sa paglilitis ay maaaring ituring na non-participant. Gayunman, nilinaw niyang ang hindi pagtatanong sa mga testigo ay hindi awtomatikong nangangahulugan na hindi nakilahok ang isang senator-judge.

Umuusbong ang usapin sa vote threshold matapos humingi si Senator-Judge Erwin Tulfo ng paglilinaw kung sino ang dapat isama sa “all the Members of the Senate” kapag may mga senator-judge na hindi makalahok sa proceedings.

Sa ngayon, nananatiling umiiral ang ruling ni Escudero na kailangan ang 16 boto para sa conviction, maliban kung ito ay baligtarin ng impeachment court.

Nakatakdang iharap ng House prosecution at ng kampo ni Duterte ang kani-kanilang argumento sa Setyembre 23 bago resolbahin ng mga senator-judge ang usapin hinggil sa kinakailangang bilang ng boto para sa conviction.