Advertisers

Advertisers

Ryan Bang ang Koreanong pusong Pinoy

0 4

Advertisers

By Beth Gelena

Ginawang makabuluhang ang pagdiriwang ng ika-35 kaarawan ng Korean host na si Ryan Bang.

Ipinagdiwang niya ito sa pamamagitan ng pagtulong sa mga taong nanatili sa kanyang tabi sa loob ng maraming taon at sa mga batang naapektuhan ng lindol kamakailan sa Mindanao.

Sa vlog na in-upload niya sa kanyang YouTube channel, idinokumento ng aktor-TV host kung paano niya ipinagdiwang ang kanyang kaarawan noong Hunyo 16 kasama ang kanyang pamilya at ang noontime show family.

Habang nanananghalian, ilan sa kanyang mga kapwa host, kabilang sina Jhong Hilario, Darren Espanto, Cianne Dominguez, at Kim Chiu, ay nagbahagi ng mga mensahe sa kaarawan, nagpapasalamat ang mga ito sa kanyang kabaitan, pagpapakumbaba, at pagkabukas-palad habang hinihiling ang patuloy na pagpapala.

Naalala niya na mula pa sa simula, palagi siyang pinapaalalahanan ng kanyang mga magulang na itabi ang anumang kanyang kinikita.

Pagsisiwalat niya, “Dapat dalawang linggo lang dapat ako sa programa. Sabi sa akin ng nanay ko at siyempre ng tatay ko, ‘Anak mag-ipon ka. Lagi kang mag-ipon, kahit maliit.'”

Kasunod ng payong iyon, sinabi ni Ryan na palagi siyang naglalaan ng P1,000 bawat buwan sa buong panahon ng kanyang pagtatanghal, at kalaunan ay nakaipon ng P190,000. Kung pagsasamahin sa P10,000 na kanyang kinita kamakailan mula sa isang palengke sa komunidad, ang kanyang pondo para sa kaarawan ay umabot sa P200,000.

Sa halip na gastusin ito para sa sarili niya, nagpasya si Ryan na gamitin ang pera para tulungan ang mga taong pinakamalapit sa kanya, at ibahagi ang ipon na itinabi niya sa nakalipas na 15 taon sa kanyang personal assistant at driver.

Lahad niya, “Galing sa puso ko…matagal nang nagta-trabaho sa akin ‘yung personal assistant ko at driver ko. Sila talaga ‘yung pinaka-malapit sa puso ko kasi wala po akong pamilya dito.”

Bagama’t itinuturing niyang pamilya ang maraming tao sa industriya, sinabi ni Ryan na ang matagal na niyang personal assistant at driver ang nasa tabi niya araw-araw sa loob ng mahigit isang dekada.

“Gusto ko hatiin ‘yung inipon ko, kahit hindi super laki, para makatulong sa mga inaanak ko,” pagtukoy niya sa mga anak ng kanyang mga empleyado, na mga ninong niya rin.

Hinati niya ang pera sa pagitan ng kanyang personal assistant, na ang anak ay nakatakdang sumailalim sa operasyon, at ng kanyang driver, na inilarawan niya bilang isang ama at ang anak ay nag-birthday din isang araw bago ang kay Ryan.

Bagama’t noong una ay nag-alangan silang dalawa na tanggapin ang pinansyal na donasyon, hinikayat sila ni Ryan na gawin ito, na sinasabing taos-puso niyang nais tumulong.

Bukod sa kanyang matagal nang mga tauhan, nakipag-ugnayan din ang TV host sa mga estudyante ng Mahayahay Elementary School sa Davao matapos malaman ang matinding pinsalang natamo ng kanilang paaralan noong lindol noong Hunyo.

“Nadurog talaga ‘yung puso ko sa sobrang awa sa mga !bata. Hindi naman malaki pero hanggat kaya ko, ginawa ko ay konting tulong para sa kapwa Pilipino”.

Maraming naantig na manonood sa taus pusong pagtulong ni Ryan at pinuno ang comment section ng kanyang vlog ng mga mensaheng pumupuri sa kanyang pagkabukas-palad at pagmamahal sa Pilipinas kahit na ipinanganak sa South Korea.

“Ryan, mahal ka namin Huwag kang magbago kahit kailan. Isa kang biyaya sa lahat ng Pilipino,” aning isang manonood.

“Happy birthday pambansang koreanong pusong pinoy, napaka generous mo wala kang katulad sanay umabot ka ng 1000 taon para marami ka pang matulongan.”

“I am smiling the whole time while watching this vlog. Truly, Ryan has a very pure and kind heart. Super ramdam sa aura ang kabutihan ni Ryan,” wika naman ng isang commenter.

Bago magtapos ang kanyang vlog, nangako si Ryan na hindi ito ang huling pagkakataon na magbibigay siya ng tulong.

Ibinahagi niya na plano niyang magsimulang mag-ipon muli upang patuloy niyang matulungan ang mga Pilipino, lalo na ang mga bata.

“Mag-iipon po ako ulit para sa tutulungang kapwang Pilipino. Nadudurog kasi ‘yung puso ko. Siyempre, yung future ng bansa natin nasa mga kabataan.”

“Thank you kay Lord na ginagamit ako para magpasaya at makatulong sa mga Pilipino. Thank you so much sa pagmamahal niyo sa akin madlang people at sa mga sumusupporta sa akin kahit hindi malinaw ang pananalita ko,” ang taus puso niyang pasasalamat.