Advertisers

Advertisers

Jennylyn Mercado muling nakasama si Dingdong Dantes

0 4

Advertisers

By Anne Venancio

Excited na si Jennylyn Mercado sa muli nilang pagsasama ni Dingdong Dantes sa primetime series na The Master Cutter, kung saan magkakaroon siya ng espesyal na pagganap.

Halos anim na taon na ang lumipas mula nang huli silang magsama sa seryeng Descendants of the Sun, kaya aminado si Jennylyn na inaabangan na niyang makatrabaho muli ang Kapuso Primetime King.

Ayon sa aktres, hindi pa sila nagkakaroon ng eksena ni Dingdong dahil ikalawang araw pa lamang niya sa taping. Gayunman, masaya siya sa pagkakataong muling makasama ang kanyang dating leading man.

Ibinahagi rin ni Jennylyn ang ilang detalye tungkol sa kanyang karakter. Aniya, isa itong bungangerang babae na maraming pinagdadaanan sa buhay ngunit may mabuting puso. Bukod sa emosyonal na mga tagpo, may mga action scenes din siyang gagawin na may halong katatawanan.

Samantala, nagkaroon na siya ng pagkakataong makatrabaho ang child actress na si Sienna Stevens, na gumaganap bilang Ibyang. Hindi napigilan ni Jennylyn na purihin ang batang aktres dahil sa husay nitong umarte. Aniya, tuwing natatapos ang kanilang eksena ay niyayakap niya si Sienna dahil damang-dama niya ang emosyon sa bawat pagganap nito.

Pinagbibidahan ni Dingdong Dantes ang The Master Cutter, na nagsasalaysay tungkol kay Atoy, isang retiradong sundalo na naging mananahi at tracker-for-hire. Kasama rin sa cast sina Max Collins, Rio Locsin, Paolo Contis, Joey Marquez, Polo Ravales, Anthony Constantino, Shuvee Etrata, Charlie Fleming, at iba pa.

Mapapanood ang The Master Cutter tuwing weeknights, alas-8:00 ng gabi sa GMA Prime pagkatapos ng 24 Oras, at available din itong i-stream sa Netflix.