Advertisers

Advertisers

‘Hitman’ pag-amin ni VP Sara, pagtataksil sa tiwala ng bayan!

0 5

Advertisers

Iginiit ng House prosecution panel nitong Miyerkules na ang mismong pahayag ni Vice President Sara Z. Duterte na umano’y nag-utos siya sa isang hitman na patayin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sakaling siya ay mapatay, ay maituturing nang pagtataksil sa tiwala ng publiko (betrayal of public trust)—isa sa mga batayang dahilan ng impeachment sa ilalim ng Konstitusyon.

Ayon kay House trial spokesperson Zia Alonto Adiong ng Lanao del Sur, ang naturang pag-amin ay nagbubukas ng seryosong usapin hinggil sa asal na inaasahan sa isang mataas na opisyal ng gobyerno na nanumpang susunod at magtataguyod ng batas.

“Ang mismong katotohanan na naisip niya ito at nagkaroon siya ng kasunduan sa isang taong ang ikinabubuhay ay ang pagpatay sa kapwa ay isa nang pagtataksil sa tiwala ng publiko,” ani Alonto Adiong sa isang press briefing.

Dagdag pa niya, inaasahang itinataguyod ng isang halal na opisyal ang rule of law at hindi hinihikayat ang sinuman na akuin ang hustisya sa sariling kamay.

Binigyang-diin din ni Alonto Adiong na ang isang opisyal na humahawak ng ikalawang pinakamataas na posisyon sa bansa ay dapat sana umanong nagsumbong sa mga awtoridad tungkol sa isang pinaghihinalaang hitman sa halip na makipag-usap o makipagkasundo rito.

“Ang alam niyang may mamamatay-tao at hindi niya ito iniulat sa pulisya o sa alinmang ahensya ng gobyerno, at siya pa mismo ang nakipag-usap dito—iyon pa lamang ay pagtataksil na sa sinumpaang tungkulin niya bago manungkulan bilang Bise Presidente,” ani niya.

Lumitaw ang usapin habang nagpapatuloy ang paglalatag ng ebidensya ng House prosecution sa Senado na nakaupo bilang impeachment court kaugnay ng Article IV ng Articles of Impeachment. Nakasaad dito ang akusasyon na gumawa si Duterte ng matitinding pagbabanta laban kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

Bilang suporta sa reklamo, iniharap ng prosekusyon si National Bureau of Investigation Senior Agent John Mark Calilung, na nagpatunay sa pagiging tunay ng online media briefing ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024 kung saan umano’y binitiwan ang mga kontrobersyal na pahayag.

Kinilala rin ni Calilung ang mga opisyal na pahayag ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, National Security Council at iba pang ahensya ng gobyerno na nagpapakitang nagsagawa ang mga ito ng security assessment at pormal na imbestigasyon matapos lumabas ang naturang mga pahayag.

Ayon kay Alonto Adiong, layunin ng mga ebidensyang iniharap ng prosekusyon na hindi lamang patunayan ang pagiging tunay ng mga video, kundi ipakita rin kung bakit itinuring ng mga ahensya ng pamahalaan na usaping may malaking epekto sa pambansang seguridad ang mga sinabi ni Duterte.

“Ang mahalaga rito ay hindi lang mapatunayan ang pagiging tunay ng video, kundi ang naging epekto ng kanyang mga pagbabanta laban sa Pangulo sa buong bansa,” aniya.

“Anong epekto nito? Hahayaan ba natin na basta na lamang maipahayag ang ganitong mga pagbabanta nang walang pananagutan?” dagdag pa niya.

Sinabi rin ni Alonto Adiong na wala umanong ibang pagpipilian ang mga awtoridad kundi magsagawa ng imbestigasyon dahil ang umano’y pagbabanta ay nakatuon mismo sa Pangulo ng Republika.

“Hindi mo rin maaasahan na walang gagawin ang mga ahensya dahil ang pagbabanta ay ginawa sa paraang dapat itong seryosohin,” aniya.

Aniya pa, ang banta ay hindi lamang laban sa isang indibidwal kundi laban sa pinuno ng estado, pinuno ng pamahalaan at commander-in-chief ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, kaya’t isa itong usapin ng pambansang seguridad.

Dagdag pa ni Alonto Adiong, ang pagsali ng iba’t ibang law enforcement at security agencies sa imbestigasyon ay patunay kung gaano kaseryoso ang pagtingin ng pamahalaan sa mga naging pahayag ni Duterte.

“Kaya maraming ahensya ang nagsagawa ng imbestigasyon upang alamin kung mayroon ngang naganap na kasunduan sa pagitan ng respondent at ng sinasabing hitman,” aniya.