Advertisers
NAKATUTOK ang sambayanan sa paglitaw ni “Mary Grace Piattos” at ng iba pa sa pagdinig ng Senate Impeachment Court sa mga kasong may kinalaman sa katiwalian ni Vice-President Sara Duterte.
Bukod kay Piattos ay pinangalanan din ng House prosecution panel bilang kanilang testigo sa impeachment trial kay Sara Duterte sina Xiaomi Ocho, Kokoy Villamin, Milky Sucuya at iba pa.

Sina Piattos, Ocho, Villamin at Sucuya ay ilan sa mga pangalan na sinasabing tumanggap umano ng confidential fund ng OVP.
Bukod sa anomalya sa confidential fund, ay lilitisin din si Inday Sara sa mga kasong unexplained wealth, bribery kasama ang ilang mga opisyal ng Department of Education at grave threats kay Pangulong Ferdinand Marcos, First Lady Liza Araneta at dating House Speaker Martin Romualdez.
Sa sandaling mapatunayan ng Senate impeachment court na guilty sa alinman sa akusasyon si VP Sara ay sapat upang mapatalsik ito sa kanyang pwesto bilang pangalawang pangulo at habang buhay na di paghawak ng anumang posisyon sa pamahalaan.
Meron nga kayang Piattos, Ocho, Villamin at Secuya na lilitaw upang patunayan na hindi gawa-gawa o kathang isip lamang ang kanilang mga pangalan na tumanggap ng pondo mula sa tanggapan ni VP Sara noong 2024.
GOV. TAN, COL. ALBACEA, BIGO LABAN SA KAWATAN!
KUNG nanaig ang inisyatibong inilunsad ng Pamahalaang Lalawigan ng Quezon upang maiangat ang kalagayan ng mga dating New People’s Army Rebel ay siya naman ang kabiguan nito sa kampanya laban sa mga ilegalista at pagsawata sa mga magnanakaw ng oil at petroleum product na kilala sa tawag na buriki/paihi.
Ito ang pangunahing dahilan kung kaya’t mahal na nga ang presyo ng produktong petrolyo, Liquefied Petroleum Gas (LPG) at oil product ay kulang pa o malimit ay walang nabibiling gasolina, krudo, gas at maging LPG sa merkado.
Pati ang CME oil na mahalagang sangkap sa mantika o edible oil na nagmumula sa mga oil mill sa Lucena City ay binabawasan ng malaking kantidad ng grupo ng sindikato ng buriki/paihi na pinamumunuan ng isang alyas Troy at iniimbak sa kanilang kuta sa Eco-Tourism Road, Brgy. Salinas, Lucena City.
Matagal nang nagaganap ang talamak na nakawang ito sa hurisdiksyon nina Lucena Mayor Mark Alcala at Police Chief Lt Col. Ryan Hernandez ngunit kung bakit walang aksyon ang mga ito laban sa naturang grupo ay tanging sila lamang ang nakakaalam?
Sa Brgy. Iikirin sa bayan ng Pagbilao ay hayag ang pagnanakaw ng petroleum product ng sindikatong pinamumunuan ng pekeng Jakono ng Iglesia ni Cristo na si Alyas Amigo, ngunit tulad din ng kalakaran sa Lucena City ay wala ring hakbang laban sa mga elementong ito sina Pagbilao Mayor Gigi Portes at Pagbilao Police Chief Major Arjon Oxina.
Bukod sa operasyon ng pilferage o buriki/paihi ay “untouchable” din ang mga operator ng Small Town Lottery bookies, jueteng maintainers, pergalan (peryahan na pulos sugalan), illegal logging, quarry at illegal terminal at colorum van sa ibat ibang bayan at siyudad ng naturang lalawigan.
Sino ang dapat sisihin sa mga iligalidad na ito sa Lucena City, Pagbilao at iba pang panig ng lalawigan, Gov. Tan? Col. Romulo Albacea?
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144