Advertisers
NAGLABAS ng show cause order ang Korte Suprema para kina Quezon City Representative Bong Suntay at Atty. Ferdinand Topacio kaugnay ng malaswang pahayag nila laban sa magkapatid na aktres, Anne Curtis at Jasmine Curtis-Smith.
Sa isang ‘per curiam’ resolution, ginawa ng Korte Suprema na pormal na kasong administratibo para sa disbarment ang usapin, nakita na maaaring nilabag ng dalawa ang ethical standards na ina-asahan sa mga miyembro ng legal profession.
Nag-ugat ito sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Marso 3, 2026 kaugnay ng impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte.
Habang ipinagtatanggol ni Suntay si Duterte, gumamit siya ng halimbawa tungkol kay Anne upang ipaliwanag ang kanyang punto na hindi dapat maparusahan ang isang tao dahil lamang sa kanyang “imagination” o iniisip.
“Alam n’yo minsan, nakita ko si Anne Curtis, ang ganda-ganda pala niya. You know, may desire sa loob ko na, nag-init talaga, na-imagine ko nalang kung ano’ng puwedeng mangyari pero siyempre hanggang imagination nalang ‘yon,” saad niya.
“Pero hindi naman siguro ako puwedeng kasuhan kung ano ang na-imagine ko eh,” dagdag pahayag pa ng kongresista.
Lumawak pa ang isyu nang ipagtanggol ni Topacio si Suntay sa isang programa sa radyo. Dito kinuwestiyon niya kung bakit nagpo-post ng mga larawan na naka-bikini sa social media ang mga babaeng artista, kabilang si Jasmine, at iginiit na natural lamang pagnasaan ng mga lalaki ang mga ito.
Inamin din ni Topacio sa parehong programa na minsan niyang “pinagnasaan” ang dating Gabriela party-list representative na si Sarah Elago.
Binigyang-diin ng Korte Suprema na ang mga abogado ay inaasahang magpakita ng mataas na antas ng moralidad at asal, sa publiko man o pribado, at hindi dapat gumawa ng mga kilos o pahayag na makasisira sa tiwala ng publiko sa propesyon.
Inutos ng Korte Suprema kina Suntay at Topacio na magsumite ng kanilang paliwanag sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng resolusyon kung bakit hindi sila dapat patawan ng pinaka-mabigat na parusa na disbarment o pagkasibak sa pagka-abogado.