Advertisers

Advertisers

Impeachment trial vs VP Sara… HOUSE PROSECUTORS MAY PASABOG SA SUNOD NA LINGGO!

0 10

Advertisers

NAGBIGAY ng pahiwatig ang House prosecution panel nitong Huwebes na mas mabibigat na ebidensya ang kanilang ihaharap sa susunod na linggo sa impeachment trial ni Vice President Sara Z. Duterte, nguni’t tumanggi silang magbigay ng detalye dahil sa umiiral na sub judice rule.

Sa briefing sa House of Representatives, sinabi ni House prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., kasama sina Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega V, San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora at 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez, na marami pang ilalatag na ebidensya kaugnay ng Article IV o ang kasong grave threats.

Nang tanungin kung may “pasabog” ba ang prosekusyon sa susunod na linggo, diretsahang sagot ni Tolosa: “Meron ho kaming matibay na ebidensya na ilalabas sa susunod na linggo.”

Gayunman, nilinaw niyang hindi pa nila maaaring isapubliko ang mga detalye dahil ipinagbabawal ng sub judice rule ang pagtalakay sa mga usaping hindi pa naihaharap sa Senate impeachment court.

“Dahil sa sub judice rule, hindi namin maaaring pag-usapan ang mga bagay na hindi pa nailalahad sa impeachment proceedings. Kaya hinihingi namin ang inyong kaunting pasensya,” ani Tolosa.

Ayon sa kanya, maaari lamang nilang talakayin ang naturang ebidensya kapag naiprisinta na ito ng kanilang mga testigo sa korte.

Samantala, hinggil sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI), sinabi ni Tolosa na hintayin na lamang ng publiko ang testimonya nina NBI Director Melvin Matibag at isa pang regional director, na magpapaliwanag sa naging imbestigasyon ng ahensya kaugnay ng kaso.

Binigyang-diin naman ni Zamora na simula pa lamang ang presentasyon ng prosekusyon para sa Article IV.

“Umpisa palang po ito. Hindi pa tapos ang pagpresenta ng mga witness patungkol sa Article IV o ’yung grave threats article,” aniya.

Inihayag din niya na haharap sa Lunes bilang susunod na testigo ang isa pang opisyal ng NBI, si Atty. Lotoc.

Hinikayat ni Zamora ang publiko na patuloy na subaybayan ang impeachment trial.

“Sana po ay subaybayan ng ating publiko ang trial ng ating Vice President dahil marami pa tayong mapupulot na kaalaman dito.”

Malinaw ang mensahe ng House prosecution panel: ang unang testigo ay nagsilbing pundasyon lamang, malayo pa sa pagtatapos ang pagtalakay sa Article IV, at mas mabibigat pang ebidensya ang ilalatag sa mga susunod na pagdinig.