Advertisers
Nanindigan ang grupong Magnificent 7, na pinamumunuan ni dating Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Atty. Manuelito Luna, na si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang umano’y nararapat na humarap sa impeachment trial sa Senado batay sa reklamong inihain laban sa kanya noong Enero 2026.
Ayon sa grupo, ang Verified Impeachment Complaint ay naglalaman ng mga umano’y paglabag ng Pangulo sa Saligang Batas kaugnay ng paghawak sa General Appropriations Act (GAA) para sa Fiscal Years 2023 at 2024.
Kamakailan, naghain ang Magnificent 7 ng naturang Verified Impeachment Complaint sa Tanggapan ng Secretary General ng House of Representatives. Gayunman, sinabi ng grupo na hindi umano ito tinanggap ng deputy o assistant ni House Secretary General Cheloy Garafil dahil wala umano ito sa bansa noong panahong iyon.
Ayon kay Luna, labag umano sa Konstitusyon ang hindi pagtanggap sa kanilang reklamo dahil ministeryal na tungkulin ng Office of the Secretary General, kabilang ang mga deputy at assistant nito, na tanggapin ang mga impeachment complaint na inihahain.
Sa kabila nito, sinabi ni Luna na muli nilang ihahain ang impeachment complaint sa susunod na taon, alinsunod umano sa itinatadhana ng Konstitusyon.
Sinabi ng Magnificent 7 na kabilang sa pangunahing batayan ng impeachment complaint ang umano’y culpable violation of the Constitution dahil sa pagrerekomenda ng Pangulo ng mga unprogrammed appropriations at sa hindi umano nito pagba-veto sa mga nadagdag na pondong nakapaloob sa 2023 at 2024 national budgets.
Partikular na tinukoy sa unang ground ng reklamo ang umano’y paglabag sa Article VII, Section 22 ng Konstitusyon kaugnay ng Republic Act No. 11935 o ang 2023 General Appropriations Act.
Samantala, sa ikalawang ground, inakusahan din ang Pangulo ng paglabag sa parehong probisyon ng Konstitusyon kaugnay ng Republic Act No. 11975 o ang 2024 General Appropriations Act. Kasama rin dito ang alegasyon ng paglabag sa Article VI, Section 25(2) at Section 26(1) dahil umano sa hindi pagba-veto sa isang special provision na nagbigay-daan upang maibalik sa National Treasury ang sobrang reserve funds ng mga government-owned and controlled corporations (GOCCs) bilang pondo para sa unprogrammed appropriations.
Ayon kay Luna at sa kanyang mga kasamahan, sapat na batayan ang mga isyung ito upang litisin ang Pangulo sa Senado sa ilalim ng proseso ng impeachment na itinatadhana ng Konstitusyon.
Hanggang sa kasalukuyan, wala pang opisyal na pahayag ang Malacañang hinggil sa panawagan ng Magnificent 7. Wala rin pang inilalabas na opisyal na aksyon ang House of Representatives kaugnay ng naturang impeachment complaint.